Senado, Tinutukan ang P196.27-B Budget ng DOTr para sa Accessible, Efficient, at Safe na Transport System
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-30 07:59:09
Sinuri ng Senate Finance Subcommittee F nitong Lunes, September 29, 2025, ang proposed P196.27 billion budget ng Department of Transportation (DOTr) at attached agencies para sa 2026, kung saan malaking bahagi ay nakalaan para sa modernization ng rail, aviation, at maritime systems.
Pinangunahan ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang briefing at iginiit na bawat pisong ilalaan ay dapat magresulta sa transport system na abot-kaya para sa mahihirap, efficient para suportahan ang ekonomiya, ligtas para sa commuters, at may dignidad para sa lahat ng Pilipino.
Suportado ni Finance Committee chair Sen. Win Gatchalian ang pagtaas ng pondo, at sinabi na dapat maramdaman ito ng publiko sa mas maayos na biyahe at mas maginhawang serbisyo sa airports at seaports. Sang-ayon din si Sen. Loren Legarda sa hiling ng DOTr para sa dagdag pondo sa mga locally funded projects na hindi naisama sa National Expenditure Program, at nilinaw na bahagi ito ng budget process.
Nagpaalala naman si Sen. Erwin Tulfo na siguraduhin ng DOTr na ang pondo ay direktang mapapakinabangan ng publiko, habang binigyang-diin ni Deputy Minority Leader Rodante Marcoleta na dapat maramdaman ng taumbayan ang epekto ng budget.
Buong suporta naman ang ibinigay ni Senate Majority Leader Migz Zubiri sa transport budget at nangakong itutulak ang amendments para matiyak ang completion ng mga critical projects gaya ng New Bukidnon Airport. Nanawagan din si Sen. Bong Go na tapusin agad ang Mati Airport sa Davao Oriental, habang binigyang-diin ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang problema sa mataas na local airfare na posibleng makasama sa turismo.
Magpapatuloy ang deliberasyon ng komite sa mga susunod na linggo upang matukoy ang final recommendations at matiyak na ang 2026 transport budget ay tunay na makakasagot sa matagal nang hamon sa mobility.