Singil sa kuryente, tataas na naman! WESM rates, pumalo sa P4.54/kWh dahil sa sakuna, kakulangan sa supply
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-07 14:51:54
NOBYEMBRE 7, 2025 — Nagpatong ng dagdag-singil ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa Oktubre matapos ang sunod-sunod na sakuna at pagkaantala sa operasyon ng mga planta, ayon sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).
Umabot sa P4.54 kada kilowatt-hour ang average rate sa spot market noong Oktubre — halos 50% na pagtaas mula sa P3.04/kWh noong Setyembre. Apektado nito ang generation charge ng mga consumer ngayong Nobyembre.
Ayon kay Engr. Isidro Cacho Jr., vice president ng trading operations ng IEMOP, ang pagtaas ay dulot ng “seasonal movement” at mga biglaang aberya sa mga planta at transmission lines.
“When supply decreases, there will be an increase (in prices). When there are typhoons, the base load plants are affected. Because of these outages and force majeure events, transmission is also affected,” paliwanag niya.
(Kapag bumaba ang supply, tataas ang presyo. Kapag may bagyo, apektado ang mga baseload plant. Dahil sa mga outage at force majeure, naaapektuhan din ang transmission.)
Isa sa mga pangunahing factors ay ang magnitude 6.9 na lindol sa Visayas noong Setyembre 30, na nagdulot ng tripping sa ilang generator at linya ng kuryente. Kasunod nito, bumaba ang kabuuang supply ng kuryente sa bansa ng 4% sa 19,889 megawatts, habang tumaas ang demand ng 1.8% sa 13,881 MW.
Sa Luzon, tumaas ang presyo ng kuryente ng 54.3% sa P3.96/kWh, kasabay ng pagbaba ng supply ng 6.1% at bahagyang pagtaas ng demand. Sa Visayas, umakyat ang rate ng 45.3% sa P5.85/kWh kahit bahagyang bumaba ang demand at supply. Sa Mindanao, tumaas ang presyo ng 40% sa P5.87/kWh, kasabay ng pagtaas ng demand at supply.
Sinabi ni Christian Karla Rica ng IEMOP na, “There were major plant outages affecting the October billing period, contributing to the overall price increase.”
(May malalaking outage sa mga planta na nakaapekto sa billing ng Oktubre, dahilan ng pagtaas ng presyo.)
Inaasahan ng IEMOP na bababa ang presyo sa mga susunod na buwan kung hindi na mauulit ang mga hindi inaasahang aberya at kung mananatiling mababa ang demand dahil sa malamig na panahon.
(Larawan: Philippine News Agency)
