Diskurso PH
Translate the website into your language:

PrimeWater takeover, pinag-aaralan ng MPIC

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-14 13:05:59 PrimeWater takeover, pinag-aaralan ng MPIC

NOBYEMBRE 14, 2025 — Binuksan na ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) ang posibilidad na bilhin ang PrimeWater, ang kompanyang hawak ng pamilya Villar na matagal nang binabatikos dahil sa kalidad ng serbisyo nito.

Kinumpirma ni MPIC chairman Manuel V. Pangilinan na nagsimula na ang kanilang pagsusuri matapos pumirma ng non-disclosure agreement kasama ang PrimeWater noong nakaraang buwan.

“They opened up the data room to us maybe two or three weeks ago. So we’re getting initial feedback on preliminary analysis on numbers they provided to us,” pahayag ni Pangilinan sa isang briefing sa Hong Kong. 

(Binuksan nila sa amin ang data room mga dalawa o tatlong linggo na ang nakalipas. Kaya nakakatanggap na kami ng paunang feedback mula sa inisyal na pagsusuri sa mga numerong ibinigay nila sa amin.)

“Nothing is finalized. We’re in the beginning of the process and it’s difficult to predict where it will eventually land,” dagdag pa niya. 

(Wala pang pinal. Nasa simula pa lang kami ng proseso at mahirap hulaan kung saan ito hahantong.)

Ang PrimeWater, subsidiary ng Prime Asset Ventures Inc., ay may higit 1.7 milyong kabahayan na sakop at nagpoproseso ng mahigit 500 milyong litro ng tubig kada araw. Ang operasyon nito ay mula Tuguegarao, Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon, Visayas, hanggang Davao City.

Gayunman, matagal na itong binabayo ng reklamo mula sa mga konsumer dahil sa umano’y mahinang serbisyo. Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nag-utos ng imbestigasyon sa mga water firm na hindi nakakatugon sa pamantayan.

Ayon kay Pangilinan, may tinatayang 70 hanggang 80 ari-arian ang PrimeWater sa iba’t ibang panig ng bansa. 

“Some are small, some are big. We don’t know the approach yet whether to bid for only certain properties that are large enough to give us profitability or whether they will insist that we acquire the entire thing,” aniya. 

(May maliliit, may malalaki. Hindi pa namin alam kung angkop bang mag-bid lang sa piling ari-arian na sapat para magbigay ng kita o kung igigiit nilang bilhin namin ang buong kompanya.)

Binanggit din ni Pangilinan na may mga utang ang PrimeWater na hindi pa napag-uusapan, kabilang ang paraan ng paghawak dito kung sakaling matuloy ang transaksiyon.

Isa sa nakikitang sasalo sa deal ay ang Maynilad Water Services Inc., ang West Zone concessionaire na kamakailan lang ay nag-debut sa stock market sa halagang P34.34 bilyon.

“Maynilad is a good company. It’s a value company, right? But we have to introduce elements of growth into their narrative. And I think certain assets of PrimeWater, the bigger ones principally, should be attractive for Maynilad to acquire and we would encourage them,” ani Pangilinan. 

(Maganda ang Maynilad. Isa itong value company. Pero kailangan naming magpasok ng mga elemento ng paglago sa kanilang kuwento. At sa tingin ko, ang ilang ari-arian ng PrimeWater, lalo na ang malalaki, ay dapat maging kaakit-akit para sa Maynilad na bilhin at hihikayatin namin sila.)

Gayunman, nilinaw ni Maynilad president at CEO Ramoncito Fernandez na wala silang direktang negosasyon sa PrimeWater. 

“As far as PrimeWater is concerned, they are not in talks with us (Maynilad). We are not in talks with them. They are in talks with our shareholders,” aniya. 

(Pagdating sa PrimeWater, wala silang usapan sa amin (Maynilad). Wala rin kaming usapan sa kanila. Ang kausap nila ay ang aming mga shareholders.)

Sa ngayon, nananatiling bukas ang posibilidad ng takeover ng PrimeWater, ngunit malinaw na hindi pa tiyak kung buong kompanya o piling ari-arian lamang ang tatargetin ng MPIC. Ang magiging desisyon ay nakasalalay sa komersyal na kakayahan at pagtutugma ng interes ng mga kasosyo sa Maynilad.



(Larawan: Metro Pacific Investments Corporation)