Libreng digital transfers, tuloy ang laban — BSP
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-25 19:15:06
NOBYEMBRE 25, 2025 — Patuloy na isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagtanggal ng bayarin sa electronic fund transfers, lalo na sa maliliit na transaksyon, bilang hakbang para palawakin ang paggamit ng digital payments sa bansa.
Sa Central Banking Symposium, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na nananatili ang kanilang layunin na gawing libre ang ganitong serbisyo.
“Yes,” sagot niya nang tanungin kung tuloy pa rin ang plano, at idinagdag na nais ng BSP ang “lowest possible fees” sa digital payments.
Ipinaliwanag ni Remolona na mas lumalawak ang halaga ng sistema kapag mas maraming gumagamit nito.
“That’s what maximizes what we call network externalities … It’s the same thing with digital payments,” aniya.
(Iyan ang nagpapalawak ng tinatawag naming network externalities … Ganoon din sa digital payments.)
Noong nakaraang taon, naglabas ang BSP ng draft circular na nagtatakda ng libreng person-to-person transfers at pagbabayad sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Saklaw nito ang personal na transaksyon na hindi lalampas sa itinakdang threshold at hindi regular na lumalagpas ng sampung beses kada linggo.
Bukod dito, binanggit ni Remolona na posibleng ibaba sa 0% ang reserve requirement ratio (RRR) ng mga bangko sa kanyang termino. Ang hakbang na ito ay magbibigay-daan sa mga bangko na magamit ang kanilang reserba imbes na manatili itong nakapark sa central bank nang walang interes, na maaaring magsilbing pantustos sa gastos ng interbank transfers.
Samantala, sinabi ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan nitong Pebrero na humiling ang mga bangko ng dalawang taon bilang “soft landing” para makapaghanda sa ganap na pagtanggal ng interbank transfer fees. Ang desisyon ay nakabinbin pa sa Monetary Board.
(Larawan:Philippine News Agency)
