GCash, Klook nangunguna sa Asya sa bagong travel card
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-02 20:38:28
DISYEMBRE 2, 2025 — Isang bagong paraan ng pagbabayad ang ilulunsad ngayong Disyembre para sa mga Pilipinong mahilig bumiyahe sa labas ng bansa. Sa pakikipagtambalan ng fintech app na GCash at travel platform na Klook, ipinakilala ang kauna-unahang travel card sa Asya na suportado ng Visa.
Ang card ay idinisenyo upang tugunan ang matagal nang reklamo ng mga biyahero hinggil sa mataas na singil sa palitan ng pera. Sa bagong sistema, makakakuha ang mga user ng mas mababang foreign exchange rate, real-time na conversion, at walang dagdag na service fee. Bukod dito, makikita agad ang halaga ng transaksyon sa piso, kaya mas malinaw ang paggastos.
Hindi lamang sa palitan ng pera nakatuon ang benepisyo. May access din ang card sa mga ATM sa iba’t ibang bansa, at may kasamang mga voucher gaya ng airport transfers, Klook eSIM, at taunang hotel voucher para sa mga bagong aktibadong account.
Ayon kay Michelle Ho, general manager ng Klook Philippines, “With GCash, we’re taking that commitment a step further. By combining Klook’s expertise in curating top travel experiences with GCash’s trusted financial ecosystem, we’re bringing greater value and ease to every journey, making extraordinary adventures even more possible for more Filipinos.”
(Sa GCash, mas lalo naming pinatitibay ang pangako. Sa pagsasanib ng Klook sa pagbibigay ng pinakamahusay na travel experiences at ng matatag na ecosystem ng GCash, mas malaki ang halaga at ginhawang hatid sa bawat biyahe, kaya mas nagiging posible ang mga natatanging paglalakbay para sa mas maraming Pilipino.)
Dagdag pa ni Barbara Dapul, general manager ng G-Xchange Inc. para sa B2C at COO, “At GCash, we’re committed to empowering Filipinos to explore the world with confidence and convenience. The GCash Klook Travel Card lets you pay using your GCash Wallet in over 200 countries — no cash, no signal, no problem.”
(Sa GCash, nakatuon kami sa pagbibigay-lakas sa mga Pilipino na tuklasin ang mundo nang may tiwala at ginhawa. Sa GCash Klook Travel Card, maaari kang magbayad gamit ang iyong GCash Wallet sa higit 200 bansa — walang cash, walang signal, walang problema.)
Habang hinihintay ang opisyal na paglulunsad, maaaring magpalista ang mga interesadong user. Ang unang 10,000 na makakakuha ng card ay mabibigyan ng introductory price na ₱250.
Ang GCash-Klook Travel Card ay naglalayong gawing mas simple, mas mura, at mas maginhawa ang pagbabayad ng mga Pilipino sa kanilang mga biyahe abroad — isang hakbang na maaaring magbago sa karanasan ng paglalakbay ng masa.
(Larawan: Klook)
