Issue sa Pokemon Collab, nagtulak sa McDonald’s Japan na kanselahin ang One Piece promo
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-25 09:20:16
Japan - Nakansela ang inaabangang One Piece card campaign ng McDonald’s Japan matapos ang kontrobersiya na dulot ng naunang Pokémon card promotion.
Ayon sa ulat, naglunsad ang McDonald’s ng Happy Meal na may kasamang espesyal na Pokémon trading cards. Naging instant hit ito at nagdulot ng napakahahabang pila sa iba’t ibang branches sa Japan. Ngunit lumabas ang mga reklamo dahil maraming customer ang bumibili ng meals para lamang makuha ang mga card—na kalaunan ay itinapon lang ang pagkain sa lansangan o ibinenta ang mga card sa black market sa mas mataas na presyo.
Dahil sa negatibong epekto at lumalalang isyu ng food waste, inanunsyo ng McDonald’s Japan na hindi na itutuloy ang nakatakdang One Piece Happy Meal promotion, na sana ay magsisimula ngayong Agosto 29 bilang bahagi ng ika-25 anibersaryo ng nasabing manga series.
Sa halip, mga laruan mula sa naunang kampanya ang ipapamahagi. Bukod dito, nagsasagawa rin ang kumpanya ng pagsusuri sa kanilang Happy Meal promotions upang maiwasan ang pag-uulit ng parehong problema.
Bagama’t ikinadismaya ng maraming tagahanga ng One Piece ang desisyon, iginiit ng McDonald’s na mas mahalaga ang pagpigil sa food waste at pagtutok sa mas responsableng marketing strategies.
