Diskurso PH
Translate the website into your language:

Migranteng Pilipino sugatan matapos mabangga ng truck sa Yunlin County, Taiwan

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-13 23:26:15 Migranteng Pilipino sugatan matapos mabangga ng truck sa Yunlin County, Taiwan

Yunlin County, Taiwan — Isang migranteng Pilipino ang nagtamo ng matinding pinsala matapos masalpok ng isang truck habang siya ay nakasakay sa motorsiklo sa Citong Township, Yunlin County, kahapon ng hapon, Setyembre 12, 2025.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, naganap ang aksidente bandang alas-2:00 ng hapon sa interseksyon ng southbound Provincial Highway No. 1 at Zhongshan Road. Batay sa paunang imbestigasyon, lumiliko pakaliwa ang truck nang mabangga nito ang Pilipinong manggagawa na noo’y nagmamaneho ng motorsiklong dumidiretso sa kalsada.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at nagtamo ng mga bali sa kanyang katawan. Kaagad siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital kung saan patuloy siyang ginagamot at inoobserbahan ng mga doktor.

“Kasama sa tinitingnan ng imbestigasyon ang posibleng paglabag ng drayber ng truck sa tamang pagbibigay-daan. Patuloy naming kinakalap ang ebidensya at testimonya ng mga nakasaksi,” pahayag ni Police Officer Lin Cheng-hua ng Yunlin County Police.

Samantala, nagpahayag ng pag-aalala ang ilang kapwa migranteng Pilipino na nakabase sa Yunlin. Ayon kay Margaue, isang OFW na matagal nang naninirahan sa lugar, “Nakakabahala po kasi madalas din kaming gumagamit ng motorsiklo. Sana mas maging maingat ang mga drayber dito at mas paigtingin ang trapiko para hindi na maulit ang ganitong aksidente.”

Dagdag pa niya, “Mahirap malagay sa ganitong sitwasyon dahil bukod sa panganib sa buhay, apektado rin ang trabaho naming mga OFW na umaasa para sa pamilya sa Pilipinas.”

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang sanhi ng insidente, kabilang ang bilis ng pagpapatakbo ng truck at kondisyon ng trapiko sa oras ng aksidente.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa lahat ng motorista na sundin ang batas-trapiko at pairalin ang disiplina sa kalsada. “Isang maliit na pagkukulang sa kalsada ay maaaring humantong sa malaking trahedya,” ani Officer Lin.

larawan/google