British boxing idol Ricky Hatton, natagpuang patay sa edad na 46
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 20:13:58
SETYEMBRE 14, 2025 — Natagpuang wala nang buhay si Ricky Hatton, dating kampeon sa boxing mula sa United Kingdom, sa loob ng kanyang tahanan sa Hyde, Greater Manchester nitong umaga ng Linggo. Ayon sa pulisya, walang palatandaan ng krimen sa insidente.
Si Hatton, 46, ay isa sa pinakakilalang boksingero ng Britanya, na naging kampeon sa light-welterweight at welterweight divisions. Nakilala siya sa kanyang agresibong istilo sa ring at sa kanyang pagiging palakaibigan sa mga tagahanga.
Kinumpirma ng Greater Manchester Police na isang katawan ang natagpuan sa Bowlacre Road bandang 6:45 a.m.
“Officers were called by a member of the public to attend Bowlacre Road, Hyde, Tameside, at 6:45 am today where they found the body of a 46-year-old man. There are not currently believed to be any suspicious circumstances.”
(Tinawagan ang mga pulis ng isang residente upang pumunta sa Bowlacre Road, Hyde, Tameside, bandang 6:45 a.m. ngayong araw kung saan natagpuan ang katawan ng isang 46-anyos na lalaki. Sa ngayon, walang nakikitang kahina-hinalang pangyayari.)
Si Hatton ay unang sumikat noong 2005 nang talunin niya si Kosta Tszyu sa isang laban na tinaguriang makasaysayan. Mula noon, nakasagupa niya ang mga bigating sina Floyd Mayweather at Manny Pacquiao, bagamat natalo siya sa parehong laban.
Bago ang laban kay Mayweather noong 2007, bitbit ni Hatton ang malinis na rekord na 43-0.
Matapos ang knockout loss kay Pacquiao, pansamantalang nagretiro si Hatton ngunit bumalik sa ring makalipas ang tatlong taon. Huli siyang lumaban noong 2022 kontra Vyachslav Senchenko.
Nitong nakaraang mga buwan, inanunsyo niyang muling lalaban sa Disyembre kontra sa unang propesyonal na boksingero ng UAE na si Eisa Al Dah.
Noong 2015, kinilala si Hatton bilang Fighter of the Year ng The Ring magazine, at nitong 2024, isinama siya sa International Boxing Hall of Fame.
Bukod sa kanyang karera, naging bukas din si Hatton sa kanyang pakikibaka sa mental health at problema sa droga.
Isa sa mga nagbigay-pugay sa kanya ay si Amir Khan, kapwa Briton at dating kampeon.
“Today we lost not only one of Britain’s greatest boxers, but a friend, a mentor, a warrior, Ricky Hatton … Mental health isn’t weakness. It’s part of being human. And we must talk about it. We must reach out,” aniya.
(Ngayong araw, nawala hindi lang ang isa sa pinakadakilang boksingero ng Britanya, kundi isang kaibigan, mentor, mandirigma, si Ricky Hatton … Ang mental health ay hindi kahinaan. Bahagi ito ng pagiging tao. At kailangan natin itong pag-usapan. Kailangan nating magtulungan.)
Sa kabila ng kanyang mga laban sa loob at labas ng ring, nanatiling inspirasyon si Hatton sa maraming tagahanga. Ang kanyang alaala ay mananatiling buhay sa kasaysayan ng boxing.
(Larawan: Yahoo Sport UK)