Diskurso PH
Translate the website into your language:

Suspek sa pagpatay kay Charlie Kirk arestado sa Utah

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-13 09:03:19 Suspek sa pagpatay kay Charlie Kirk arestado sa Utah

UTAH, U.S.A. — Nahuli na ang suspek sa pagpatay kay Charlie Kirk, isang kilalang konserbatibong aktibista, habang nagsasalita sa isang pampublikong pagtitipon sa Utah Valley University noong Setyembre 10. Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Tyler Robinson, 22 taong gulang, residente ng Washington County, Utah.

Kinumpirma ni Utah Governor Spencer Cox ang pagkakaaresto sa isang press conference noong Setyembre 12. “Ladies and gentlemen, we got him,” pahayag ni Cox. Ayon sa gobernador, si Robinson ay hindi estudyante ng nasabing unibersidad at pinaniniwalaang kumilos nang mag-isa.

Batay sa ulat ng FBI, si Robinson ay nakilala matapos makita ng kanyang ama ang mga larawang inilabas ng mga awtoridad. Nang harapin ng ama ang anak, inamin umano ni Robinson na siya ang nasa larawan. “Robinson responded to his father, saying he would rather die by suicide than turn himself in,” ayon sa ulat ng CBS News. Dahil dito, humingi ng tulong ang ama sa isang youth pastor na kalaunan ay tumawag sa U.S. Marshals Service upang arestuhin si Robinson.

Si Robinson ay kasalukuyang nakakulong sa Utah County Security Center at nahaharap sa mga kasong aggravated murder, obstruction of justice, at felony discharge of a firearm. Inaasahang isasampa ang pormal na mga kaso sa darating na linggo.

Ayon sa mga saksi, si Kirk ay binaril habang nasa gitna ng kanyang “Prove Me Wrong” debate, isang bahagi ng “The American Comeback Tour” ng Turning Point USA. Mahigit 3,000 katao ang dumalo sa naturang event nang mangyari ang pamamaril. Isang bala lamang ang pinaputok, na tumama sa leeg ni Kirk, ayon sa Utah Department of Public Safety.

Matapos ang pamamaril, tumalon umano ang suspek mula sa bubong ng Losee Center for Student Success at tumakas patungo sa kalapit na komunidad. Narekober ng FBI ang bolt-action rifle na pinaniniwalaang ginamit sa krimen, pati na ang mga bala na may nakaukit na mensahe. Isa sa mga casing ay may nakasulat na “Hey fascist, catch,” habang ang isa pa ay may biro: “If you read this, you are gay LMAO?”.

Sa kabila ng matinding kontrobersiya, pinuri ni Gov. Cox ang pamilya ng suspek sa kanilang kooperasyon. “They did the right thing,” aniya.

Si Charlie Kirk ay 31 taong gulang at kilala bilang tagapagtatag ng Turning Point USA, isang organisasyong konserbatibo na nakatuon sa kabataang Amerikano. Malapit siya kay Pangulong Donald Trump at naging pangunahing tagapagsalita sa mga kampanya ng Republican Party.