Bagong lider ng Nepal, nangakong tutugon sa sigaw kontra korapsyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-14 19:56:29
SETYEMBRE 14, 2025 — Sa gitna ng naglalagablab na galit ng kabataan sa Nepal, isang dating punong mahistrado ang biglang itinalaga bilang pansamantalang pinuno ng bansa. Si Sushila Karki, 73, ay opisyal nang nanumpa bilang interim prime minister matapos ang malawakang kilos-protesta na nagpatalsik sa dating lider.
Nag-ugat ang kaguluhan sa pagbabawal ng social media noong Lunes, na sinundan ng pagsunog sa gusali ng parliyamento at ilang tanggapan sa Singha Durbar. Sa loob ng dalawang araw, 72 ang nasawi at 191 ang sugatan, ayon kay Chief Secretary Eaknarayan Aryal.
“The situation that I have come in, I have not wished to come here. My name was brought from the streets,” pahayag ni Karki.
(Ang sitwasyong kinasadlakan ko ay hindi ko ginusto. Ang pangalan ko ay inilabas mula sa lansangan.)
Ang kanyang pagkakatalaga ay resulta ng negosasyon sa pagitan ng Pangulo Ram Chandra Paudel, Army Chief Gen. Ashok Raj Sigdel, at mga kinatawan ng Gen Z movement — isang maluwag na samahan ng kabataang aktibista na ginamit ang Discord app upang itulak si Karki bilang lider.
Sa kanyang unang talumpati, binigyang-diin ni Karki ang pangangailangang tugunan ang panawagan ng kabataan.
“We have to work according to the thinking of the Gen Z generation,” aniya.
(Kailangan nating kumilos ayon sa kaisipan ng henerasyong Gen Z.)
Dagdag pa niya, “What this group is demanding is end of corruption, good governance and economic equality.”
(Ang hinihingi ng grupong ito ay wakasan ang korapsyon, maayos na pamahalaan, at pantay na ekonomiya.)
Ayon sa World Bank, isa sa limang Nepali na edad 15–24 ay walang trabaho, habang ang GDP per capita ay nasa $1,447 lamang.
Dahil dito, binuwag ang parliyamento at itinakda ang halalan sa Marso 5, 2026. Nangako si Karki na hindi siya mananatili sa puwesto nang lampas sa anim na buwan.
Samantala, mahigit 12,500 bilanggo ang nakatakas sa gitna ng kaguluhan — isang hamon sa seguridad na patuloy na binabantayan ng militar.
Nagpaabot ng suporta ang India at China, habang ang Dalai Lama ay nagpadala ng mensahe ng tagumpay sa bagong lider ng Nepal.
(Larawan: Yahoo)