Diskurso PH
Translate the website into your language:

UN: North Koreans, ipinapapatay sa simpleng panonood ng banyagang palabas

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-14 18:44:47 UN: North Koreans, ipinapapatay sa simpleng panonood ng banyagang palabas

SETYEMBRE 14, 2025 — Tumitindi ang paggamit ng parusang kamatayan sa North Korea, ayon sa pinakabagong ulat ng United Nations Human Rights Office. Isa sa mga krimeng tinutumbasan na ng kamatayan ay ang simpleng panonood o pamamahagi ng banyagang pelikula at teleserye — lalo na ang mga galing sa South Korea.

Batay sa mahigit 300 panayam sa mga tumakas mula sa bansa sa nakalipas na dekada, lumalabas na mas agresibo na ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na layong pigilan ang pagkalat ng impormasyon mula sa labas. 

Mula 2015, anim na bagong batas ang ipinasa na nagbibigay-daan sa parusang kamatayan para sa mga kasong may kinalaman sa banyagang media.

Isa sa mga tumakas, si Kang Gyuri, ay nagpatotoo sa BBC na tatlo sa kanyang kaibigan ang pinatay matapos mahuling may hawak na South Korean content. Isa sa mga biktima ay 23 taong gulang lamang.

“He was tried along with drug criminals. These crimes are treated the same now,” aniya.

(Isinama siya sa paglilitis ng mga sangkot sa droga. Pareho na ang turing sa mga kasong ito ngayon.)

Dagdag pa ni Kang, mas lumala ang takot ng mga tao mula noong 2020, kasabay ng pagdami ng publikong pagbitay sa pamamagitan ng firing squad.

Ang mga inaasahan ng mamamayan noong maupo si Kim Jong Un noong 2011 ay tila napako. Sa halip na pagbutihin ang ekonomiya at kalagayan ng mga tao, mas naging mahigpit ang kontrol ng estado. Ayon sa ulat, halos lahat ng nakapanayam ay nagsabing hindi sapat ang pagkain, at ang tatlong beses na pagkain sa isang araw ay itinuturing nang luho.

Noong kasagsagan ng pandemya, maraming North Korean ang namatay sa gutom. Pinalala pa ito ng pagsasara ng mga impormal na pamilihan kung saan karaniwang kumukuha ng kabuhayan ang mga pamilya. Pinahigpit din ang pagbabantay sa border ng China, at iniutos sa mga sundalo na barilin ang sinumang magtatangkang tumakas.

Isang babaeng tumakas noong 2018 sa edad na 17 ang nagsabi, "In the early days of Kim Jong Un, we had some hope, but that hope did not last long." 

(Sa mga unang taon ni Kim Jong Un, may kaunting pag-asa kami, pero hindi ito nagtagal.)

"The government gradually blocked people from making a living independently, and the very act of living became a daily torment," dagdag pa niya.

(Unti-unting pinigilan ng gobyerno ang mga tao sa paghahanapbuhay, at ang mismong pamumuhay ay naging araw-araw na pahirap.)

Ayon sa ulat, halos wala nang kalayaang ekonomiko, panlipunan, o pampulitika ang mga mamamayan. Malaki ang papel ng teknolohiya sa pagpapalawak ng surveillance, na ginagamit para pigilan ang kahit kaunting senyales ng pagtutol.

Isang tumakas din ang nagsabi, "It is a form of control aimed at eliminating even the smallest signs of dissatisfaction or complaint." 

(Ito ay uri ng kontrol na layong burahin ang kahit pinakamaliit na senyales ng pagkadismaya o reklamo.)

Hinihikayat ng UN ang pamahalaan ng North Korea na buwagin ang mga kulungan para sa pulitikal na bilanggo, itigil ang parusang kamatayan, at turuan ang mamamayan tungkol sa karapatang pantao.

"Our reporting shows a clear and strong desire for change, particularly among (North Korea's) young people," ani Volker Türk, UN High Commissioner for Human Rights. 

(Ipinapakita ng aming ulat ang malinaw at matinding pagnanais para sa pagbabago, lalo na sa hanay ng kabataang North Korean.)

(Larawan: Yahoo)