Diskurso PH
Translate the website into your language:

Binatikos ng Venezuela ang US sa umano’y iligal na aksyon sa karagatan

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-14 14:30:24 Binatikos ng Venezuela ang US sa umano’y iligal na aksyon sa karagatan

Caracas, Venezuela — Mariing kinondena ng gobyerno ng Venezuela ang Estados Unidos matapos ang diumano’y iligal at “provocative” na operasyon ng isang US Navy destroyer sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, ayon kay Foreign Minister Iván Gil.

Ayon kay Gil, ang USS Jason Dunham, isang destroyer ng US Navy, ay nagsagawa ng “illegal at direktang provocative actions” matapos magpadala ng 18 fully armed personnel sa isang maliit na bangkang pangisda ng Venezuela. Ang naturang bangka ay naaanod sa katubigan na sakop ng EEZ ng Venezuela nang lapitan at sakyan ng mga tropang Amerikano.

Idiniin ng opisyal na ang hakbang na ito ay malinaw na “paglampas sa mga hangganan ng batas” at isang pagyurak sa soberanya ng Venezuela.

“Ang ginawa ng Estados Unidos ay hindi lamang paglapastangan sa karapatan ng aming mga mangingisda kundi direktang banta sa aming pambansang seguridad. Hindi kami magdadalawang-isip na ipagtanggol ang aming karapatan sa aming mga karagatan,” ani Gil sa kanyang opisyal na pahayag.

Dagdag pa niya, ang aksyon ng US ay bahagi ng tinawag niyang “pattern of aggression” laban sa Venezuela, na madalas umanong ginagamit ang isyu ng karagatan at seguridad bilang dahilan upang makialam sa rehiyon.

Bagama’t wala pang tugon mula sa Estados Unidos hinggil sa naturang insidente, naniniwala na ang ganitong pangyayari ay maaaring magpalala sa tensyon sa pagitan ng Washington at Caracas.

larawan/google