Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trump, binira ang ilang kontrobersyal na paksa sa 56-minute speech sa UN General Assembly

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-24 09:44:35 Trump, binira ang ilang kontrobersyal na paksa sa 56-minute speech sa UN General Assembly

SETYEMBRE 24, 2025 — Sa harap ng mga lider ng mundo sa United Nations General Assembly, muling pinatunayang walang preno si US President Donald Trump sa kanyang 56-minute na talumpati na puno ng batikos, paninira, at panawagan para sa radikal na pagbabago sa mga pandaigdigang polisiya.

Binira ni Trump ang patuloy na pagtanggap ng mga bansa sa malawakang migrasyon, na aniya’y sumisira sa pagkakakilanlan ng mga nasyon. Ipinagmalaki niya ang istriktong patakaran ng Amerika bilang huwaran. 

“I'm really good at this stuff. Your countries are going to hell,” aniya. 

(Magaling ako sa ganitong bagay. Papunta sa impiyerno ang mga bansa ninyo.)

Hindi rin pinalampas ni Trump ang isyu ng climate change. Tinawag niya itong “con job” at iginiit ang pagbabalik sa paggamit ng fossil fuels, taliwas sa pandaigdigang pagtutulak ng renewable energy. Ayon sa kanya, ang mga polisiya ng Europa sa enerhiya ay “suicidal” at magdudulot ng pagbagsak ng rehiyon.

Sa usapin naman ng digmaan sa Ukraine, tinuligsa ni Trump ang mga bansang patuloy na bumibili ng langis mula sa Russia. Banta niya, magpapataw ang Amerika ng matinding taripa kung hindi makikipagkasundo ang Moscow. Ngunit para maging epektibo, kailangan aniyang sumunod ang mga bansang Europeo sa parehong hakbang. 

“They're funding the war against themselves. Who the hell ever heard of that one?” ani Trump. 

(Sila ang nagpopondo sa digmaan laban sa sarili nila. Sino bang nakarinig na ng ganun?)

Sa Gitnang Silangan, mariing tinutulan ni Trump ang pagsuporta sa pagkakaroon ng estado ng Palestine. Aniya, masyadong malaki ang gantimpala para sa Hamas sa kabila ng kanilang mga karahasan. Nanawagan siya ng agarang tigil-putukan kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag, buhay man o patay.

Nagpahayag din si Trump ng pagkadismaya sa United Nations, hindi lang sa kawalan ng suporta sa kanyang mga hakbang pangkapayapaan, kundi pati sa pasilidad ng organisasyon. Ikinuwento niyang muntik nang madisgrasya si Melania Trump sa isang sirang escalator, habang hindi naman gumagana ang kanyang teleprompter.

Sa kabuuan, ang talumpati ni Trump ay tila deklarasyon ng digmaan sa mga umiiral na pandaigdigang polisiya — isang panawagan para sa pagbabago, sa paraang agresibo, tahas, at walang pasintabi.

(Larawan: Yahoo)