Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga aberya sa UN, pinaniniwalaang sabotahe ni Trump; Secret Service, magsasagawa ng imbestigasyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-25 19:04:08 Mga aberya sa UN, pinaniniwalaang sabotahe ni Trump; Secret Service, magsasagawa ng imbestigasyon

SETYEMBRE 25, 2025 — Iginiit ni Pangulong Donald Trump na siya’y sinabotahe habang dumadalo sa United Nations General Assembly sa New York, Martes ng gabi. Ayon sa kanya, tatlong magkakasunod na insidente ang naganap na tila sinadya upang guluhin ang kanyang pagbisita.

Una, biglang huminto ang escalator habang pababa si Trump kasama ang kanyang entourage. Tinawag niya itong “absolutely sabotage” at hiniling na imbestigahan ng Secret Service ang insidente. Ayon naman kay Stephane Dujarric, tagapagsalita ng UN, maaaring “inadvertently” na-activate ng isang videographer mula sa U.S. delegation ang stop mechanism sa itaas ng escalator. 

Hindi ito kinagat ni Trump. 

“The people that did it should be arrested,” aniya sa Truth Social. 

(Dapat arestuhin ang mga taong gumawa nito.)

Pangalawa, tumigil ang teleprompter habang nagsasalita si Trump sa harap ng mga delegado. Ngunit ayon sa isang opisyal ng UN na tumangging magpakilala, ang White House ang may kontrol sa teleprompter, hindi ang UN.

Pangatlo, nawalan ng tunog ang sound system habang nagsasalita si Trump. Ayon sa kanya, tanging mga may interpreter na may earpiece lamang ang nakarinig ng kanyang talumpati. Maging si Melania Trump ay hindi raw narinig ang kanyang mga sinabi.

“This wasn’t a coincidence, this was triple sabotage,” giit ni Trump. 

(Hindi ito aksidente, ito’y tatlong insidente ng sabotahe.)

Hiniling ni Trump sa UN na huwag burahin ang security tapes kaugnay ng escalator incident. Inanunsyo rin niyang magsasagawa ng imbestigasyon ang Secret Service.

Hindi bago sa UN ang mga ganitong aberya. Sa gitna ng “liquidity crisis” ng organisasyon, pansamantalang pinapatay ang ilang elevator at escalator sa New York at Geneva upang makatipid. Isa sa mga dahilan ng krisis ay ang pagkaantala ng pondo mula sa Estados Unidos — ang pinakamalaking donor ng UN.

Sa kabila ng mga teknikal na problema, ginamit ni Trump ang kanyang talumpati upang batikusin ang UN, ang mga kaalyado ng Amerika sa Europa, at ang pagtanggap ng mga bansa sa mga migrante. Aniya, “your countries are going to hell.”

(Larawan: Yahoo)