Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sikat na influencer sa China, patay habang naka-livestream

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-30 23:24:40 Sikat na influencer sa China, patay habang naka-livestream

CHINA — Isang trahedya ang naganap matapos bawian ng buhay ang isang kilalang content creator mula China na si Tang Feiji, habang nagla-livestream ng kanyang paglipad gamit ang isang single-seat ultralight aircraft.

Si Feiji, na may halos 100,000 followers sa Douyin (Chinese version ng TikTok), ay makikitang naka-buckle sa kanyang twin-rotor aircraft na may bigat na 250 pounds. Lumipad siya mula Jiange County sa central China, at sandaling nag-landing upang ayusin ang kanyang camera bago muling umangat. Subalit ilang minuto matapos ang muling paglipad, nawalan umano ng kontrol ang aircraft at biglang sumubsob bago bumagsak at agad na nagliyab.

Wala siyang suot na helmet o parachute nang mangyari ang aksidente. Daan-daang manonood ang nakasaksi ng live stream habang bumabagsak ang aircraft, at ang chat section ay napuno ng panawagang iligtas siya. Sa kabila nito, ayon sa ulat ng The Economic Times, dead on the spot si Feiji dahil sa impact at sunog na sumiklab matapos bumagsak ang aircraft.

Base sa ulat ng PEOPLE Magazine, binili umano ni Feiji ang aircraft noong 2024. Sa kanyang mga nakaraang post, sinabi niyang kaya nitong umakyat hanggang 2,000 feet at umabot ng 96 kph. Inamin din niya na mayroon lamang siyang anim na oras ng ensayo para matutunan ang controls, at nagkaroon pa ng dalawang insidente noong nakaraan kung saan bumagsak siya ng halos 30 feet dahil sa problema sa fuel gauge.

Matapos ang trahedya, isinara ang kanyang social media account habang nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa insidente. (Larawan: X)