Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rally ng Indian actor-politician na si Vijay nauwi sa stampede; 31 nasawi

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-28 17:08:21 Rally ng Indian actor-politician na si Vijay nauwi sa stampede; 31 nasawi

Indua – Hindi bababa sa 31 katao ang nasawi habang mahigit 50 pa ang sugatan matapos maganap ang stampede sa isang pampulitikang pagtitipon ng Tamil actor na si Vijay sa India nitong Sabado, Setyembre 27.


Ayon sa mga ulat, dagsa ang libo-libong tagasuporta sa rally na bahagi ng state tour para sa partidong Tamilaga Vettri Kazhagam (TVK) na pinamumunuan ng aktor. Itinuturing ang naturang pagtitipon bilang isa sa pinakamalaki mula nang simulan ni Vijay ang kanyang kampanya ngayong buwan para sa nalalapit na state elections sa susunod na taon.


Nagdulot umano ng matinding siksikan at kaguluhan ang pagdagsa ng tao sa masikip na pasukan ng venue, dahilan upang mawalan ng kontrol ang crowd at mauwi sa trahedya.


Si Vijay, na isa sa mga pinakasikat na aktor sa Tamil film industry, ay nagtatamasa ng malawak na kasikatan at itinuturing na malakas na karibal ng mga tradisyunal na partido sa rehiyon. Itinatag niya ang TVK noong nakaraang taon bilang bahagi ng kanyang transisyon mula showbiz tungo sa politika.


Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang mga sugatan sa kalapit na ospital. Patuloy ding isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang mga naging pagkukulang sa seguridad at crowd control.


Nagpahayag ng pakikiramay si Vijay sa mga pamilya ng mga biktima at tiniyak na makikipagtulungan siya sa mga awtoridad upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong insidente sa mga susunod na pagtitipon.

Larawan: India Times Express