Diskurso PH
Translate the website into your language:

Korap na opisyal sa China, hinatulan ng kamatayan; binawi lahat ang ari-arian

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-29 12:32:03 Korap na opisyal sa China, hinatulan ng kamatayan; binawi lahat ang ari-arian

BEIJING — Hinatulan ng kamatayan ng Changchun Intermediate People’s Court sa Jilin Province si Tang Renjian, dating Minister of Agriculture and Rural Affairs ng China, dahil sa kasong katiwalian. Ayon sa korte, tumanggap si Tang ng suhol na nagkakahalaga ng mahigit 268 milyong yuan (katumbas ng $38 milyon) mula 2007 hanggang 2024.

Bagamat may dalawang taong reprieve ang hatol, ipinahayag ng korte na ang mga krimen ni Tang ay nagdulot ng matinding pinsala sa interes ng estado at ng mamamayan, kaya’t nararapat lamang ang parusang kamatayan. Bukod sa sentensiya, pinatawan din siya ng habambuhay na pagkakait ng karapatang pampulitika at kinumpiska ang lahat ng kanyang ari-arian.

Ayon sa ulat ng state-run Xinhua News Agency, ginamit ni Tang ang kanyang posisyon upang paboran ang ilang negosyo, kontrata sa proyekto, at pag-aayos ng trabaho kapalit ng pera at ari-arian. Sa kanyang huling pahayag, umamin si Tang sa mga kasalanan at nagpahayag ng pagsisisi.

Si Tang ay dating gobernador ng Gansu Province at vice chairman ng Guangxi Autonomous Region bago italaga bilang ministro ng agrikultura. Noong Nobyembre 2024, siya ay pormal na inalis sa Partido Komunista ng China matapos ang imbestigasyon ng anti-graft watchdog.

Ang hatol kay Tang ay bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa korapsyon ni Pangulong Xi Jinping, kung saan mahigit isang milyong opisyal na ang naimbestigahan at naparusahan simula noong 2012. Ayon kay Xi, “corruption is the biggest threat to the Communist Party and remains on the rise.”