Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pope Leo XIV, biktima na din ng deepfake

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-26 19:33:16 Pope Leo XIV, biktima na din ng deepfake

SETYEMBRE 26, 2025 — Hindi na mabilang ang mga video sa YouTube na nagpapakita umano kay Pope Leo XIV na nagsasalita tungkol sa kontrobersyal na mga isyu — mula sa pagpatay kay Charlie Kirk, opinyon sa cremation, hanggang sa diumano’y pagbibitiw sa tungkulin. Pero ayon sa Vatican, lahat ng ito ay peke.

Kinumpirma ng Dicastery for Communication ng Vatican na daan-daang YouTube channel ang gumagawa ng tinatawag na “deepfake” videos gamit ang artificial intelligence. Sa mga video, tila nagsasalita ang Santo Papa sa mga isyung hindi naman niya kailanman binanggit.

“We are witnessing the exponential proliferation of a series of YouTube channels with fake videos ... All use artificial intelligence to make the Pope say things he never said,” ayon sa opisyal na pahayag ng Vatican. 

(Saksi kami sa mabilis na pagdami ng mga YouTube channel na naglalathala ng pekeng video ... Lahat ay gumagamit ng artificial intelligence para palabasing nagsalita ang Papa ng mga bagay na hindi naman niya sinabi.)

Isang halimbawa nito ang 25-minutong video na nagsasabing nagsalita na ang Papa tungkol sa pagpatay kay Charlie Kirk. Umabot ito sa mahigit 445,000 views sa loob lamang ng isang linggo. 

Isa pang viral na video ang nagpapakita umano kay Pope Leo na pumupuri sa lider ng kudeta sa Burkina Faso — isang pahayag na agad pinabulaanan ng Vatican News.

Hindi bago ang ganitong uri ng panlilinlang. Noong 2015, isang edited video ni Pope Francis ang ipinakita sa isang talk show. Noong 2023 naman, kumalat ang larawan ng Papa na nakasuot ng puffer jacket — isang imahe na gawa-gawa rin.

Ngayon, tila mas malala ang sitwasyon. Sa bilis ng teknolohiya, mas mahirap nang matukoy kung alin ang totoo. Noong Hunyo, kumalat ang larawan ni Pope Leo na tila nadapa sa hagdanan ng St. Peter’s Basilica. 

“So good that they thought it was me,” ani ng papa sa isang panayam. 

(Napaka-realistic kaya inakala nilang ako talaga ’yon.)

Ayon sa Vatican, araw-araw silang nakakatanggap ng mga ulat tungkol sa mga pekeng account na gumagamit ng imahe at boses ng Papa. Sa kanilang newsletter noong Agosto, hinikayat nila ang publiko na mag-ulat ng mga kahina-hinalang post.

“Much of our time is spent reporting, silencing, and requesting the removal of these accounts,” dagdag ng Vatican. 

(Malaking bahagi ng oras namin ay nauubos sa pagrereport, pagpapatahimik, at paghingi ng pagtanggal ng mga account na ito.)

Hindi lang pagtanggal ng content ang ginagawa ng Vatican. Nagpapatupad din sila ng kampanya para palakasin ang media literacy ng publiko. Paalala nila: kung wala sa opisyal na website ng Vatican ang pahayag, malamang ay peke ito.

Sa kabila ng pagsisikap, aminado ang Vatican na mahirap tapatan ang bilis ng pagkalat ng mga deepfake. Patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa mga nakikita online.

(Larawan: Catholic News Agency)