Lalaki nanagasa, nagsunog at namaril sa Latter-day Saints church sa Michigan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-29 12:32:33
GRAND BLANC, MICHIGAN — Apat ang nasawi at walo ang sugatan sa isang brutal na pag-atake sa Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa Grand Blanc Township, Michigan noong Linggo, Setyembre 28. Ayon sa mga awtoridad, isang lalaki ang sumagasa gamit ang kanyang sasakyan sa harapan ng simbahan, nagsimula ng sunog, at nagpaputok ng baril sa mga dumalo sa Sunday service.
Kinilala ang suspek bilang si Thomas Jacob Sanford, 40 taong gulang, mula sa Burton, Michigan. Ayon sa Grand Blanc Township Police, “He drove straight through the entrance like it was nothing. Then he started shooting indiscriminately.” Dalawa sa mga biktima ay nasawi dahil sa pamamaril, habang ang dalawa pa ay natagpuan sa nasunog na bahagi ng simbahan.
Nagpaputok si Sanford gamit ang assault-style rifle at nakipagbarilan sa mga pulis. Siya ay napatay sa likurang bahagi ng simbahan walong minuto matapos ang unang tawag sa 911. Natagpuan din sa kanyang sasakyan ang mga hinihinalang pampasabog, ayon sa Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosives (ATF).
Ayon sa FBI, itinuturing ang insidente bilang “act of targeted violence.” Patuloy ang imbestigasyon sa bahay, telepono, at social media ng suspek upang matukoy ang motibo. Wala pang natatagpuang manifesto, ngunit may mga ulat na nagpapakita ng koneksyon sa ilang konserbatibong grupo.
Nagpahayag ng pakikiramay ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. “We condemn this violence in the strongest terms and are praying for healing in Grand Blanc,” ayon sa tagapagsalita ng simbahan.
Samantala, iniutos ni Michigan Governor Gretchen Whitmer ang pagpapababa ng mga watawat sa kalahating asta bilang paggalang sa mga biktima. “Violence anywhere, especially in a place of worship, is unacceptable,” aniya sa isang pahayag.
Patuloy ang paghahanap sa posibleng karagdagang biktima sa nasunog na gusali, habang nananatiling alerto ang mga awtoridad sa mga banta sa iba pang simbahan sa lugar.