Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babala ng DFA: H-1B visa holders sa Amerika, iwasan munang bumiyahe

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-26 10:09:04 Babala ng DFA: H-1B visa holders sa Amerika, iwasan munang bumiyahe

SETYEMBRE 26, 2025 — Nagpaalala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipinong nasa Estados Unidos na may hawak na H-1B visa na umiwas muna sa paglalakbay palabas ng bansa dahil sa bagong patakaran ng administrasyong Trump na naglalayong higpitan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa.

Bagama’t hindi saklaw ng bagong regulasyon ang mga kasalukuyang may H-1B visa, binigyang-diin ng DFA na maaaring maharap sa dagdag na bayarin at hindi pa klarong panuntunan sa muling pagpasok sa Amerika ang sinumang aalis ng bansa sa panahong ito.

“Should travel outside the US be unavoidable, we encourage them to consult their employers in advance, as employers may be required to shoulder additional costs, such as the one-time fee of $100,000,” ayon sa DFA. 

(Kung hindi maiiwasan ang paglalakbay palabas ng US, hinihikayat naming kumonsulta muna sa kanilang employer, dahil maaaring kailanganin nilang sagutin ang dagdag na gastos gaya ng isang beses na bayad na $100,000.)

Ang naturang bayarin ay bahagi ng bagong rekisito para sa mga bagong aplikante ng H-1B visa na ipinatupad noong Setyembre 21. Layunin nitong pigilan ang umano’y pagpapalit ng mga Amerikanong manggagawa ng mas murang dayuhang empleyado.

Sa pahayag ni US President Donald Trump noong Setyembre 19, binatikos niya ang ilang kumpanya na umano’y sinasamantala ang visa program upang pababain ang sahod sa Amerika. 

“Some employers, using practices now widely adopted by entire sectors, have abused the H-1B statute and its regulations to artificially suppress wages,” aniya. 

(May ilang employer, gamit ang mga gawi na laganap na sa ilang sektor, ang umaabuso sa H-1B statute at mga regulasyon upang artipisyal na pababain ang sahod.)

Dagdag pa ni Trump, bibigyang-priyoridad ng Department of Homeland Security ang mga dayuhang manggagawang may mataas na kasanayan at sahod, lalo na sa larangan ng agham, teknolohiya, inhinyeriya, at matematika.

Samantala, nilinaw ng US Citizenship and Immigration Services na hindi apektado ang renewal fees ng mga kasalukuyang H-1B holder at hindi rin sila ipagbabawal bumiyahe papasok o palabas ng Amerika.

(Larawan: Department of Foreign Affairs, Republic of the Philippines | Facebook)