British Council maglulunsad ng libreng online conference para sa mga guro sa Ingles sa ASEAN
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-03 19:07:02
Oktubre 3, 2025 – Maglulunsad ang British Council ng ASEAN TeachingEnglish Online Conference 2025: “Adapting to Change” na layong palakasin ang kakayahan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles sa rehiyon.
Gaganapin ang naturang kumperensiya mula Oktubre 14 hanggang 30, 2025 at libre para sa lahat ng guro, instruktor, at mga policy-maker sa iba’t ibang bansa sa ASEAN, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa British Council, pangunahing layunin ng aktibidad na magbigay ng propesyonal na pagsasanay at makapagbahagi ng kaalaman upang matulungan ang mga guro na makasabay sa mabilis na pagbabago sa larangan ng edukasyon. Kabilang dito ang paggamit ng artificial intelligence sa klase, pagbabago sa mga patakaran ng iba’t ibang bansa, at paggamit ng mga makabagong pamamaraan ng pagtuturo.
Makikipagtulungan din ang British Council sa mga ministeryo ng edukasyon, unibersidad, asosasyon ng mga guro, at iba pang stakeholder upang matiyak na ang mga paksa ay akma sa lokal na konteksto ng bawat bansa.
Sa kumperensiya, tatalakayin ang iba’t ibang estratehiya at “classroom-ready tools,” kabilang na ang mga mura at low-tech na solusyon na makatutulong sa mga paaralang kulang sa pasilidad.
Ang mga sesyon ay isasagawa online at i-livestream sa mga oras na mas madaling maabot ng mga guro sa iba’t ibang time zone ng ASEAN upang mas marami ang makalahok.
Bukod sa pagbibigay ng bagong kaalaman, inaasahan ding makatutulong ang kumperensiya sa pagbuo ng mas malawak na network ng mga guro sa rehiyon na maaaring magbahagi ng karanasan at epektibong pamamaraan sa pagtuturo ng Ingles.