Kasunduan o Pressure? Trump, ipinahayag ang $500M bayad mula sa Harvard
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-01 14:12:28WASHINGTON, U.S.A. — Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump noong Martes, Setyembre 30, na nakipagkasundo umano ang kanyang administrasyon sa Harvard University matapos ang ilang buwang negosasyon, at magbabayad ang unibersidad ng humigit-kumulang $500 milyon.
Sa isang event sa Oval Office, sinabi ni Trump na inaasikaso na ni Education Secretary Linda McMahon ang mga huling detalye ng kasunduan. Ayon sa pangulo, bahagi ng kasunduan ang pagpapatakbo ng mga “trade schools” na tututok sa pagtuturo ng artificial intelligence (AI), makina, at iba pang teknikal na larangan.
“Linda is finishing up the final details… they’ll be paying about $500 million and they’ll be operating trade schools. They’re going to be teaching people how to do AI and lots of other things, engines, lots of things,” ani Trump sa harap ng mga mamamahayag.
Hanggang ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Harvard hinggil sa anunsyo ng White House.
Ang usapin ay nakaugat sa mga serye ng hakbang ng administrasyong Trump laban sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad, kabilang ang pagbabanta na bawasan o ipatigil ang pederal na pondo. Kabilang sa mga isyung pinupuna ng administrasyon ang mga protesta laban sa digmaan ng Israel sa Gaza, mga inisyatibang pangklima, polisiya ukol sa transgender, at mga programa sa diversity, equity, and inclusion (DEI).
Samantala, ilang karapatang pantao at akademikong grupo ang nagpahayag ng pangamba na maaaring malabag ang free speech, privacy, at academic freedom sa gitna ng mga imbestigasyon ng pamahalaan sa mga unibersidad.
Wala pang opisyal na dokumento o kumpirmasyon mula sa Harvard o sa korte na naglalatag ng aktwal na kasunduan, habang nananatiling kuwestyunable kung maisasakatuparan ang sinasabing $500 milyon na bayad.