Lider ng umano’y nagmasaker sa tatlong babaeng taga Argentina habang naka-livestream, arestado sa Peru
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-01 23:35:11
PERU — Naaresto ng pulisya sa Peru ang isang lalaki na pinaghihinalaang nag-utos sa karumal-dumal na pagpatay sa tatlong kababaihan sa Argentina, kabilang ang isang 15-anyos na dalagita.
Kinilala ang suspek bilang si Tony Janzen Valverde Victoriano, 20, alyas “Little J”, na umano’y lider ng isang international drugs gang. Siya ay dinakip sa isang highway 70 kilometro sa timog ng Lima habang nagtatago sa loob ng isang van na nagdadala ng isda.
Noong Setyembre 19, sina Morena Verdi at Brenda del Castillo, kapwa 20-anyos, at si Lara Morena Gutiérrez, 15-anyos, ay naloko sa pangakong babayaran para dumalo sa isang party malapit sa Buenos Aires. Ilang araw matapos, natagpuan ang kanilang mga bangkay na inilibing sa hardin ng isang bahay.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga biktima ay pinahirapan at pinaslang habang naka-livestream sa Instagram, kung saan narinig ang boses na nagsasabing: “This is what happens to those who steal drugs from me.” Tinatayang 45 katao ang nakapanood sa broadcast.
Pitong suspek na ang nahuli sa Argentina, kabilang ang nagmaneho ng sasakyan at ang naghukay ng libingan ng mga biktima. Ngunit si “Little J” ang pinaniniwalaang utak ng masaker. Sa isang hiwalay na operasyon, nahuli rin sa Peru si Matías Ozorio, 28, itinuturing na kanang-kamay ng suspek, at nakatakdang ipasa sa mga awtoridad ng Argentina.
Ayon sa Peruvian police, natunton ang dalawa matapos ma-intercept ang kanilang komunikasyon. Samantala, si Valverde ay mananatili sa Peru habang inaasikaso ang extradition request mula sa Argentina.
Pinuri naman ng Argentina’s security minister ang mabilis na aksyon ng Peru sa pagtugis at pag-aresto sa mga suspek, habang patuloy ang mga kilos-protesta sa Buenos Aires laban sa femicide at karahasan sa kababaihan. (Larawan: BBC / Google)