Trump iginiit: Nobel Peace Prize dapat mapasakanya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-01 07:25:22
QUANTICO, VIRGINIA — Muling iginiit ni US President Donald Trump na karapat-dapat siyang tanggapin ang Nobel Peace Prize, kasunod ng kanyang mga hakbang sa pagresolba ng ilang pandaigdigang sigalot. Sa isang talumpati sa harap ng daan-daang opisyal ng militar, sinabi ni Trump na magiging “insulto sa Amerika” kung hindi siya maparangalan ng prestihiyosong parangal.
Ayon kay Trump, nakatulong siya sa pagresolba ng pitong digmaan mula nang muling maupo sa puwesto noong Enero 2025. Kabilang sa mga tinukoy ng kanyang administrasyon ay ang mga sigalot sa pagitan ng Cambodia at Thailand, Kosovo at Serbia, Democratic Republic of Congo at Rwanda, Pakistan at India, Israel at Iran, Egypt at Ethiopia, at Armenia at Azerbaijan. Dagdag pa niya, kung magtagumpay ang kanyang bagong peace plan para sa Gaza, magiging “walo sa walong buwan” ang kanyang record.
Inilunsad ni Trump ang 20-point peace plan para sa Gaza sa pakikipagtulungan kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu. Ayon sa plano, bubuo ng isang international “board of peace” na mamamahala sa rekonstruksyon ng Gaza Strip. Sinusuportahan ito ng mga foreign ministers mula sa Pakistan, Indonesia, Egypt, Jordan, UAE, Turkey, Saudi Arabia, at Qatar. Gayunpaman, hindi pa nagbibigay ng tugon ang Hamas sa naturang proposal.
Sa kabila ng kanyang kampanya, sinabi ng Norwegian Nobel Committee na hindi sila naaapektuhan ng media attention o lobbying mula sa mga kandidato. Ayon sa historian na si Oeivind Stenersen, “completely unthinkable” ang posibilidad na manalo si Trump ngayong taon.
Matagal nang ipinapahayag ni Trump ang pagkadismaya sa pagkapanalo ni dating Pangulong Barack Obama ng Nobel Peace Prize noong 2009. Sa kanyang talumpati, sinabi niyang “They’ll give it to some guy that didn’t do a damn thing,” at iginiit na ang parangal ay dapat mapunta sa bansa, hindi sa kanya bilang indibidwal.
Habang papalapit ang pag-anunsyo ng Nobel Peace Prize sa Oktubre 10, patuloy ang kampanya ni Trump para sa pagkilala sa kanyang mga hakbang pangkapayapaan, sa kabila ng mga pagdududa mula sa mga eksperto at tagamasid sa Oslo.