Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kontaminadong cough syrup, pinaghihinalaang sanhi ng pagkamatay ng siyam na bata sa India

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-05 08:39:06 Kontaminadong cough syrup, pinaghihinalaang sanhi ng pagkamatay ng siyam na bata sa India

Oktubre 5, 2025 – Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa India ang posibleng kaugnayan ng isang cough syrup sa pagkamatay ng siyam na batang pasyente sa estado ng Madhya Pradesh.


Ayon sa ulat ng Health Ministry ng India, natuklasang naglalaman ang Coldrif Cough Syrup—produkto ng kumpanyang Sresan Pharma sa Tamil Nadu—ng diethylene glycol (DEG), isang nakalalasong kemikal na karaniwang ginagamit sa industriya bilang solvent. Lumampas umano ito sa pinapayagang limitasyon sa mga produktong medisinal.


Nagsagawa ng pagsusuri ang Food and Drug Administration (FDA) ng Madhya Pradesh sa 13 sample ng gamot. Tatlo sa mga ito ang agad na nasuri at hindi nakitaan ng kontaminasyon. Gayunman, sa hiwalay na pagsusuri ng mga regulator sa Tamil Nadu, nakumpirmang may DEG sa mga sample na direktang kinuha mula sa planta ng Sresan Pharma.


Dahil dito, sinuspinde ng mga lokal na awtoridad ang distribusyon ng nasabing produkto habang patuloy ang malawakang imbestigasyon. Ipinag-utos na rin ng pamahalaan ang inspeksiyon sa 19 na kompanyang parmasyutiko sa anim na estado ng India upang matukoy kung may iba pang paglabag sa mga pamantayan ng paggawa ng gamot.


Ang diethylene glycol ay lubhang delikado sa kalusugan kapag nainom, at maaaring magdulot ng pinsala sa atay, bato, at maging ng kamatayan.


Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang India sa isyu ng kontaminadong gamot. Noong 2022, iniugnay ng World Health Organization (WHO) ang ilang Indian-made cough syrup sa pagkamatay ng mahigit 70 bata sa bansang Gambia, na nagdulot ng pandaigdigang pagdududa sa kalidad ng ilang produktong parmasyutiko mula sa naturang bansa.


Samantala, tiniyak ng Health Ministry ng India na mananagot ang mga kumpanyang lalabag sa batas at lalampas sa itinakdang pamantayan ng kaligtasan ng gamot.