Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nurse sa Germany naghasik ng lagim: 10 patay, 27 tinangkang kitlin

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-08 08:54:48 Nurse sa Germany naghasik ng lagim: 10 patay, 27 tinangkang kitlin

BERLIN — Isang 44-anyos na palliative care nurse sa Germany ang hinatulan ng life imprisonment ng korte sa lungsod ng Aachen matapos mapatunayang pumatay ng 10 pasyente at nagtangkang patayin ang 27 pa sa pamamagitan ng lethal injections sa isang ospital sa Wuerselen, kanlurang bahagi ng bansa.

Ayon sa mga prosecutor, ang nurse — na hindi pinangalanan sa mga ulat — ay nag-inject ng malalakas na dosis ng painkillers at sedatives sa karamihan ay matatandang pasyente upang mapagaan ang kanyang trabaho tuwing night shift. “He played master of life and death over those in his care,” ayon sa pahayag ng prosecution.

Ang mga krimen ay isinagawa sa pagitan ng Disyembre 2023 at Mayo 2024, at tinukoy ng korte na may “particular severity of guilt”, ibig sabihin ay mababa ang posibilidad ng parole kahit matapos ang minimum na 15 taon ng sentensiya.

Sa paglilitis na nagsimula noong Marso, sinabi ng mga prosecutor na ang akusado ay may personality disorder, walang ipinakitang compassion sa mga pasyente, at hindi nagsisi sa kanyang ginawa. Ginamit umano niya ang mga gamot tulad ng morphine at midazolam, isang muscle relaxant na minsan ding ginagamit sa mga execution sa ibang bansa.

Ang kasong ito ay ikinukumpara sa pinakamalalang killing spree sa kasaysayan ng Germany, kung saan isang dating nurse ang hinatulan noong 2019 sa pagpatay ng 85 pasyente.

Patuloy ang imbestigasyon sa iba pang posibleng insidente na may kaugnayan sa nurse, ayon sa ulat ng German media. Maaaring umapela ang akusado sa hatol, ngunit nananatiling matibay ang ebidensya laban sa kanya.