Diskurso PH
Translate the website into your language:

Simbahan sa Nigeria pinaulanan ng bala; 2 patay, pastor, iba pa dinukot ng armadong grupo

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-21 09:30:44 Simbahan sa Nigeria pinaulanan ng bala; 2 patay, pastor, iba pa dinukot ng armadong grupo

Nobyembre 21, 2025 - Inatake ng mga armadong kalalakihan ang isang simbahan sa bayan ng Eruku sa estado ng Kwara, gitnang bahagi ng Nigeria, noong Nobyembre 18 habang isinasagawa ang isang evening service. Dalawang mananampalataya ang napatay habang ilang iba pa, kabilang ang pastor, ang dinukot at dinala sa kagubatan.

Ayon sa mga ulat mula sa lokal na media at mga opisyal ng seguridad, bigla umanong sumalakay ang mga suspek bandang alas-6 ng gabi sa Christ Apostolic Church (CAC). Pinaputukan nila ang mga dumalo sa misa, dahilan upang magsitakbuhan ang mga ito sa mga kalapit na palayan at kagubatan.

Kinumpirma ng mga awtoridad na isa sa mga napatay ay isang lalaking miyembro ng simbahan, habang isa pa ang nasawi sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala. Isa ring babae ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot.

Agad na rumesponde ang mga pulis at lokal na volunteer security groups, ngunit hindi nila naabutan ang mga salarin. Patuloy ang isinasagawang manhunt sa mga pinaghihinalaang bandido na pinaniniwalaang bahagi ng isang armadong grupo na sangkot sa serye ng pagdukot sa rehiyon.

Dahil sa insidente, ipinagpaliban ni Pangulong Bola Tinubu ang ilang biyahe upang tumanggap ng security briefing. Inatasan niya ang mga ahensiya ng seguridad na magpadala ng karagdagang puwersa sa lugar upang mapanatili ang kaayusan.

Mariing kinondena ni House Speaker Tajudeen Abbas ang insidente at nanawagan ng mas mahigpit na proteksyon sa mga lugar sambahan. Aniya, “This dastardly act must not go unpunished. Churches and worshippers must be protected at all costs.”

Ang pag-atakeng ito ay kasunod ng iba pang serye ng karahasan sa Nigeria, kabilang ang pagdukot sa 25 babaeng estudyante sa estado ng Kebbi ilang araw bago ang insidente. Patuloy na nananawagan ang mga human rights groups at faith-based organizations ng mas matibay na aksyon laban sa mga grupong armado na target ang mga sibilyan.