Labi ng Swiss mountaineer na nawala noong 1994, natagpuan sa natutunaw na glacier
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-13 08:53:55
Valais, Switzerland — Matapos ang mahigit tatlong dekada, natagpuan na ang mga labi ng isang Swiss mountaineer na nawala noong 1994 sa Ober Gabelhorn glacier sa rehiyon ng Wallis, ayon sa pahayag ng lokal na pulisya.
Noong Oktubre 15, 2025, nadiskubre ng mga umaakyat na climber ang mga labi sa glacier habang sila ay nasa gitna ng kanilang pag-akyat. Agad na rumesponde ang mga awtoridad gamit ang helicopter upang kolektahin ang mga labi at personal na gamit ng biktima.
Ayon sa Wallis cantonal police, dalawang climber ang nawala sa lugar noong Nobyembre 4, 1994. “One of the two individuals had already been found in 2000. The discovery of the second mountaineer's remains has now fully solved the disappearance of the two men,” pahayag ng pulisya sa kanilang opisyal na ulat.
Kinumpirma ng imbestigasyon na ang natagpuang labi ay ng isang Swiss citizen na ipinanganak noong 1969. Hindi na pinangalanan ng mga awtoridad ang biktima bilang respeto sa pamilya.
Ang mga ganitong insidente ay hindi na bago sa Switzerland. Dahil sa patuloy na pagkatunaw ng mga glacier dulot ng climate change, paminsan-minsan ay lumilitaw ang mga labi ng mga mountaineer na matagal nang nawawala. Noong 2022, dalawang human skeletons ang natagpuan sa Wallis glaciers, habang noong 2017, natuklasan sa Tsanfleuron glacier ang mga katawan ng mag-asawang nawala noong 1942.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga umaakyat sa Alps na maging maingat at maghanda sa mga biglaang pagbabago ng panahon at kondisyon ng bundok.
