Cancer patient humiling ng libreng photo edit para sa kanyang burol, umantig sa netizens
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-03 21:01:31
MANILA — Isang Facebook post ng cancer patient ang umantig sa damdamin ng mga netizen matapos siyang humiling ng libreng photo editing para sa litrato na nais niyang gamitin bilang “final portrait” sakaling siya’y pumanaw.
Sa post sa isang public editing group, ipinahayag ni Chell Mendiola ang kanyang kalagayan at kahilingan. Aniya, nais niyang ipa-edit ang isang family photo mula sa kasal, at gamitin ito sa kanyang burol upang hindi na mahirapan ang kanyang pamilya.
“Pa-edit po nitong pic para po sana sa burol ko kung sakaling hindi na makaya ng katawan ko… Ayoko na mahirapan pamilya ko maghanap ng pic kaya ako na gagawa ng paraan. Pagandahin niyo po sana kahit man lang sa picture,” bahagi ng kanyang mensahe.
Bagama’t personal na kahilingan ang pinagmulan ng post, lumilitaw dito ang mas malawak na usapin tungkol sa cancer care sa Pilipinas.
Bawat taon, tinatayang nasa mahigit 140,000 bagong kaso ng cancer ang naitatala sa bansa, ayon sa datos ng Department of Health. Sa kabila ng pagkakapasa ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) noong 2019, nananatiling mabigat ang gastusing medikal para sa maraming pamilyang Pilipino.
Kadalasan, hindi sapat ang saklaw ng PhilHealth at government assistance, kaya’t napipilitan ang mga pamilya na kumapit sa crowdfunding, donation drives, at maging sa mga volunteer services online — tulad ng photo editing para sa memorial use.
Binubuksan din ng sitwasyon ni Mendiola ang usapin ng palliative care, o mga serbisyong layong magbigay-ginhawa at suporta sa mga pasyente at pamilya sa huling yugto ng sakit. Bagama’t may ilang ospital na may palliative teams, nananatiling limitado at hindi pantay ang access, lalo na sa labas ng mga pangunahing siyudad.
Ayon sa Philippine Society of Hospice and Palliative Medicine, malaking bilang ng pasyente ang hindi nakakatanggap ng sapat na pain management o psychosocial support bago pumanaw.
Ang mga “free edit” groups sa Facebook ay karaniwang bukas para sa mga humihiling ng simpleng photo retouch hanggang memorial tarpaulin layouts.
Sa kabila nito, maraming netizen ang agad na nagpahayag ng suporta kay Mendiola, kabilang na ang mga nag-alok ng libreng photo editing at mga nagpaabot ng mensahe ng pag-asa at panalangin.
Larawan mula sa facebook