K-drama star Park Min-young spotted filming ‘Confidence Queen’ sa Clark Airport
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-15 13:21:59
CLARK, Pampanga — Umabot hanggang Pampanga ang kilig ng mga K-drama fans matapos namataan si Park Min-young sa Clark International Airport sa isa sa mga bagong episode ng kanyang seryeng “Confidence Queen.”
Sa naturang episode, makikitang nasa loob ng award-winning airport ang Hallyu star para sa ilang eksenang bahagi ng kwento. Kaagad itong nagdulot ng excitement sa mga manonood, lalo na sa mga Pilipino na nakapansin sa pamilyar na lokasyon. Ibinahagi ng fans ang kanilang screenshots sa social media, dahilan para maging trending topic ang Clark Airport at ang aktres sa iba’t ibang online platforms.
Nakilala si Park Min-young bilang isa sa mga pinakasikat na leading ladies ng South Korea sa mga seryeng “What’s Wrong with Secretary Kim?” at “Marry My Husband.” Kilala siya hindi lamang sa kanyang husay sa pag-arte kundi pati sa kanyang strong fanbase sa Pilipinas.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging malapit ang aktres sa kanyang Filipino supporters. Noong Mayo 2024, nagdaos siya ng kanyang unang fan meeting sa bansa na pinamagatang “My Brand New Day in Manila” sa SM Skydome. Dinagsa ito ng libu-libong fans na nagbayad ng tickets na nagkakahalaga mula ₱9,500 hanggang ₱4,000, na may kasamang perks gaya ng group photo, signed poster, goodbye session, at iba pang exclusive merchandise.
Ayon sa ilang netizens, ang pag-feature sa Clark International Airport ay patunay na kinikilala na rin ng mga international productions ang Pilipinas bilang lokasyon para sa malalaking proyekto. “Nakakatuwa na makita si Park Min-young dito mismo sa Clark. Nakaka-proud bilang Pinoy,” ani ng isang fan sa social media.
Sa ngayon, patuloy na umeere ang “Confidence Queen” sa South Korea at iba pang international streaming platforms. Habang wala pang detalye kung may iba pang eksena sa Pilipinas ang nakunan, inaasahang mas lalo pang lalakas ang suporta ng mga Pinoy viewers matapos makitang maging bahagi ng serye ang Clark International Airport.