BDO, binatikos ng content creator natapos umano’y mawala ang halos ₱189K na ipon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-15 23:16:20
Setyembre 15, 2025 – Naghayag ng sama ng loob ang content creator na si Jana, mula sa Facebook page na Jana & Alonzo, matapos umano niyang mawalan ng halos ₱189,000 sa kanyang BDO account dahil sa sunod-sunod na hindi awtorisadong online transactions.
Ayon kay Jana, ang naturang halaga ay nakalaan sana para sa gamutan at operasyon ng kanyang anak na si Alonzo, na may sakit at nangangailangan ng espesyal na pangangalagang medikal.
“Imagine losing ₱189,000 in just minutes — no OTP, no warning, nothing. All my hard-earned money with BDO, gone,” pahayag ni Jana sa kanyang viral na Facebook post. Dagdag pa niya, “That was for my son’s surgery, for our needs. Everything gone. How do you expect us to trust you now?”
Batay sa mga screenshot na kanyang ibinahagi, makikita ang magkakasunod na transaksiyong umabot mula ₱10,000 hanggang ₱50,000, na nailipat noong Setyembre 15. Pagkatapos ng mga transaksiyong ito, halos wala nang natira sa kanyang account, na bumagsak sa mas mababa sa ₱100.
Umabot na sa libo-libong reaksyon at daan-daang komento ang nasabing post, kung saan marami ang nagpahayag ng pakikiramay at pagkondena. May ilang netizen ding nagsabi na nakaranas sila ng katulad na problema sa kanilang online banking accounts.
Hanggang sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang BDO Unibank kaugnay sa reklamo. Gayunman, nananawagan ang mga kliyente na paigtingin pa ng bangko ang kanilang fraud detection system at customer protection measures upang maiwasan ang ganitong insidente.
Samantala, pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na agad ireport sa kanilang bangko at sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang galaw sa kanilang account.
Larawan mula sa Jana&Alonzo Facebook Page