Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lav Diaz: Vice Ganda, bilang pangulo sa 2028?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-16 02:05:25 Lav Diaz: Vice Ganda, bilang pangulo sa 2028?

MANILA Nakikita ng multi-awarded filmmaker na si Lav Diaz na may malaking posibilidad na kumandidato si Vice Ganda bilang pangulo ng Pilipinas sa darating na 2028 national elections.

Sa isang episode ng Ang Walang Kwentang Podcast, tahasang sinabi ni Diaz na mahalaga ang papel ng pop culture sa politika, lalo na sa harap ng posibilidad na muling tumakbo si Vice President Sara Duterte sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

“Seryoso ‘yon kasi napaka-bleak ng future ‘pag hindi natin mawasak ‘yung wall na ‘yon—‘yung ‘Sara Duterte wall’, which is coming,” ani Diaz.
“The nightmare is coming. It’s only two years away so we need to act. Gamitin natin ang pop culture. Let’s use pop culture to destroy that.”

Binigyang-diin ng direktor na ang impluwensiya at kasikatan ni Vice Ganda bilang pop culture icon ay maaaring maging sandata laban sa tradisyonal na mga pulitiko.

“Sino bang pinaka-icon sa pop culture ngayon? Vice Ganda. At maganda rin ang pananaw ni Vice. Gamitin natin, let’s use that. Kasi ‘yun na ‘yung labanan e, mythologizing with making,” dagdag niya.

Para kay Diaz, hindi malayong maging isang seryosong contender si Vice Ganda kung sakaling pasukin nito ang politika, lalo’t malakas ang kanyang impluwensiya sa masa at patuloy ang kanyang presensya sa mainstream entertainment.

Sa ngayon, nananatiling tahimik si Vice Ganda hinggil sa posibilidad ng pagtakbo sa anumang posisyon, ngunit ang pahayag ni Lav Diaz ay nagbigay ng panibagong diskurso tungkol sa papel ng mga celebrity sa larangan ng pulitika sa bansa. (Larawan: Wikipedia / Google)