Diskurso PH
Translate the website into your language:

Arnel Pineda, may warrant of arrest kaugnay ng VAWC case

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-15 17:59:45 Arnel Pineda, may warrant of arrest kaugnay ng VAWC case

MANILA — Naglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 99 laban sa Journey frontman na si Arnel Pineda matapos itong hindi dumalo sa nakatakdang pagdinig kaugnay ng kasong domestic violence na isinampa ng kanyang estranged wife.


Ayon sa ulat, iniutos ni Judge Mary Ann Punzalan-Toribio ang bench warrant noong Setyembre 10, 2025, matapos bigong humarap si Pineda sa korte. Sinubukang isilbi ng sheriff ang warrant noong Setyembre 12, ngunit hindi umano nila natunton ang kinaroroonan ng singer.


Itinakda ng korte ang piyansa sa halagang ₱72,000 para sa pansamantalang paglaya ni Pineda.


Batay sa reklamo, lumabag umano si Pineda sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (RA 9262) dahil sa paulit-ulit na “verbal abuse, manipulation, at coercive behavior” laban sa kanyang asawa. Nagsimula umano ang problema noong 2003 dahil sa isyu ng pambababae, bago pa sila ikinasal noong 2008—isang taon matapos sumikat si Pineda bilang lead vocalist ng Journey.


Giit pa ng asawa, naapektuhan ang kanilang pagsasama dahil sa paulit-ulit na panloloko at “controlling behavior” ng singer, kahit na ginamit niya ang sariling kinikita upang suportahan ang pamilya at kanilang dalawang anak.


Nagharap naman si Pineda ng kontra-kaso laban sa kanyang asawa sa pamamagitan ng reklamong adultery.


Nakatakda ang bagong arraignment sa Setyembre 17, 2025, at mananatiling epektibo ang warrant kung muling hindi sisipot ang singer.


Wala pang pahayag ang kampo ni Pineda hanggang sa ngayon.