Hollywood icon at aktibistang si Robert Redford, pumanaw sa edad na 89
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-17 01:13:11
September 16, 2025 — Pumanaw na ang kilalang aktor, direktor, at aktibistang si Robert Redford sa edad na 89, ayon sa kanyang publicist na si Cindi Berger, Chairman at CEO ng Rogers and Cowan PMK.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Berger na, “Robert Redford passed away on September 16, 2025, at his home at Sundance in the mountains of Utah—the place he loved, surrounded by those he loved. He will be missed greatly. The family requests privacy.”
Si Redford ay kinilala hindi lamang bilang isang Hollywood leading man kundi bilang isang multi-awarded director at masugid na tagapagtaguyod ng sining at kapaligiran. Sumikat siya sa mga pelikulang “Butch Cassidy and the Sundance Kid” at “All the President’s Men,” habang nakilala rin bilang direktor ng mga award-winning films gaya ng “Ordinary People” at “A River Runs Through It.”
Noong 1981, itinatag niya ang Sundance Institute, isang nonprofit organization na tumutulong sa independent film at theater. Mula rito isinilang ang Sundance Film Festival, na hanggang ngayon ay isa sa pinakamalaking plataporma ng independent cinema sa buong mundo.
Maliban sa pelikula, matagal ding ipinaglaban ni Redford ang environmental conservation. Lumipat siya sa Utah noong 1961 at nagsulong ng mga inisyatibo para mapanatili ang natural na yaman ng American West.
Kahit sa kanyang huling mga taon, aktibo pa rin siya sa pag-arte. Noong 2017, nakasama niya si Jane Fonda sa Netflix film na “Our Souls at Night.” Sinundan ito ng “The Old Man & the Gun” noong 2018, na tinawag niyang huling pelikula bilang aktor. Gayunpaman, nilinaw niyang hindi niya nakikita ang sarili bilang “retired.” “There’s this life to lead, why not live it as much as you can as long as you can?” aniya sa isang panayam noong 2018.
Si Robert Redford ay naiwang pamana hindi lamang bilang isang alamat sa pelikula kundi bilang isang tagapagtanggol ng kalikasan at nagsusulong ng kalayaan sa sining. (Larawan: Biography / Google)