Diskurso PH
Translate the website into your language:

Cong TV at Viy Cortez, sinagot ang batikos matapos lumahok sa Trillion peso march

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-22 22:25:32 Cong TV at Viy Cortez, sinagot ang batikos matapos lumahok  sa Trillion peso march

MANILA — Sinagot ng mag-asawang content creators na sina Cong TV (Lincoln Velasquez) at Viy Cortez ang mga batikos ng netizens matapos silang makiisa sa Trillion Peso March kontra korapsyon noong Linggo, Setyembre 21, 2025.


Kabilang sina Cong at Viy sa mga personalidad na dumalo sa pagtitipon sa People Power Monument, EDSA, Quezon City, kung saan libo-libong mamamayan ang nanawagan ng pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects.


Sa social media posts, nagpahayag ang mag-asawa ng kanilang galit sa katiwalian. Sa caption ni Cong: “Magnanakaw ka tapos gusto mo walang sisita? Hahaha Ggo ka ba?”* habang kay Viy naman: “Ptang ia, nakaw pa!”


Ngunit sa halip na papuri, bumuhos ang pamba-bash laban sa kanila, lalo’t binalikan ng netizens ang naging suporta ni Viy kay Camille Villar noong senatorial elections at ni Cong sa Solid North partylist sa kaparehong taon. Parehong nakapasok ang Villar at Solid North sa Kongreso matapos ang halalan.


Matapos malimitahan ang comments sa kanilang Facebook posts at i-off ang comments section sa Instagram, hindi pa rin tumigil ang mga kritisismo. Isang netizen sa X ang nagsabing: “It’s good these Cong & Viy are out protesting now, but can’t ignore the irony they once endorsed the same crooks they’re calling out. Accountability should come before activism.”


Bilang tugon, iginiit ni Cong na hindi dapat maging hadlang ang kanilang dating suporta sa ilang kandidato para manindigan laban sa kasalukuyang katiwalian. Aniya: “Pare-pareho lang tayong ninanakawan. Mas nakakahiyang manahimik kesa hindi bumoses.”


Nagpahayag din si Viy na bagama’t natatakot silang mag-asawa sa negatibong reaksyon, pinili nilang magsalita. “Mas okay na magsalita kaysa manahimik. Tatanggapin ko lahat ng panlalait at mura kung yun ang ikagagaan ng loob ng iba. Ang pananahimik ay patuloy na pagsuporta sa korapsyon,” aniya.


Sa hiwalay na post, aminado si Viy na nagkamali siya sa nakaraang mga desisyon ngunit iginiit na unti-unti niya itong itinatama. “Nababash ako noon at ngayon na naman ulit. Ang pinagkaiba lang ngayon, mas malaya sa pakiramdam,” dagdag pa niya.


Ang Trillion Peso March ay isa sa pinakamalaking kilos-protesta laban sa umano’y korapsyon sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan ngayong taon.