Puno ng pagmamahal at pananampalataya: Gaudecille Couple, binasbasan ni Cardinal Tagle
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-22 23:04:27
Setyembre 22,2025– Isang espesyal na gabi ang binahagi ng aktor na si Mateo Gaudecille sa kanyang Facebook page, kung saan makikitang kasama niya ang kanyang maybahay na si Sarah Geronimo-Gaudecille at si His Eminence, Cardinal Luis Antonio Tagle.
Sa isang masayang hapunan na puno ng kwentuhan, tawanan, at alaala ng kanilang mahal na pamilya, ipinahayag ni Mateo ang kanyang labis na pasasalamat sa mga aral at inspirasyong iniwan ng Cardinal.
“The wisdom you shared was a precious gift. Uplifting, inspiring, and filled with light… Thank you for being a source of hope and positivity,” ani Mateo sa kanyang caption.
Ang mag-asawa, na kilala hindi lamang sa kanilang pagmamahalan kundi pati na rin sa kanilang pananampalataya, ay nakatanggap ng mainit na pagbabasbas at mensahe mula sa Cardinal. Para kay Mateo at Sarah, ang gabing ito ay hindi lamang simpleng pagsasalu-salo, kundi isang paalala kung gaano kahalaga ang pamilya, pananampalataya, at pagmamahalan.
Sa huli, nag-iwan si Mateo ng taimtim na panalangin para sa patuloy na kalusugan at lakas ni Cardinal Tagle, na patuloy na nagbibigay liwanag at inspirasyon sa maraming Pilipino.
Tunay ngang isang “blessed evening” para kina Mateo at Sarah G. – isang alaala na tiyak na mananatili sa kanilang puso at sa puso ng kanilang mga tagahanga.
larawan/mateo.fb