‘Pilipinas, may pag-asa pa po’ — Mensahe ni Maymay Entrata sa mga Pilipino
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-22 23:55:40
MANILA — Nag-viral sa social media ang bukas na liham ni Maymay Entrata matapos siyang magbigay ng tapang at pag-asa sa kanyang mga kababayan ngayong Lunes, Setyembre 22.
Sa kanyang Instagram post, tahasang sinabi ni Maymay na karapatan ng mga Pilipino ang magkaroon ng maayos na pamahalaan:
“Deserve po natin ang mas maayos na bansa. Yung buwis na binabayaran natin, dapat napupunta sa mga bagay na makakatulong sa tao—kalsada, edukasyon, health care—at hindi lang sa bulsa ng mga maling tao.”
Ibinahagi rin ng aktres ang alaala noong kabataan, kung saan inakala niyang “normal” lang ang lumakad sa baha at mabuhay sa mga sirang kalsada. Ngunit ngayon, malinaw na sa kanya na hindi dapat tinatanggap bilang normal ang ganitong kondisyon.
Dagdag pa niya:
“Totoo, matibay po tayo at kaya nating tumawa sa gitna ng hirap, pero hindi ibig sabihin na okay lang kasi hindi dapat tayo masanay sa mali.”
Nanindigan si Maymay na hindi sapat ang pagiging resilient kung mananatiling bulok ang sistema. Aniya, ang tunay na karapat-dapat sa mamamayan ay isang gobyerno na tapat at inuuna ang kapakanan ng bayan.
Sa huli, nag-iwan siya ng panawagan na nagbigay-inspirasyon sa marami:
“Pilipinas, may pag-asa pa po. Huwag tayong titigil maniwala at magdasal.”
Mabilis na umani ng libo-libong reaksyon at komento ang naturang post, kung saan maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang paghanga at suporta. Para sa kanila, naging boses ng pag-asa si Maymay sa gitna ng mga kinahaharap na isyu at pagsubok ng bansa.
Sa simpleng mensaheng ito, pinatunayan ng aktres na ang mga artista ay may mahalagang papel hindi lamang sa pagbibigay-aliw, kundi sa pagmulat at pagbibigay-inspirasyon sa bayan. (Larawan: Maymay Entrata / Fb)