Diskurso PH
Translate the website into your language:

Inka Magnaye, dumepensa sa isyu ng DPWH na kinasasangkutan ng kanyang partner

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-22 21:42:16 Inka Magnaye, dumepensa sa isyu ng DPWH na kinasasangkutan ng kanyang partner

MANILA — Dumepensa ang voice talent at host na si Inka Magnaye laban sa mga akusasyong iniuugnay sa kanyang nobyo na si Mat Crespo, isang civil engineer sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Iloilo, sa gitna ng kontrobersiya sa umano’y maanomalyang proyekto ng ahensya.


Nag-ugat ang isyu matapos lumabas ang isang post sa Reddit noong Setyembre 12 na nagsasabing chief engineer si Crespo sa DPWH Iloilo at napaangat umano dahil dati ring district engineer ang kanyang ama. Iginiit din ng post na kaya nananahimik si Magnaye sa usapin ng korapsyon ay dahil sa posisyon ng kanyang nobyo.


Kasunod nito, umani ng matinding batikos ang magkasintahan, lalo nang i-off ni Magnaye ang comment section sa kanyang mga social media accounts.


Sa inilabas na video, nilinaw ng voice actor: “We, Mat and myself, are legitimate taxpayers and are obviously against corruption of any kind. And we want those who mishandled the funds to be held accountable.”


Ipinaliwanag din niya na hindi siya agad nagsalita dahil abala sa taping at iniiwasan ang “hateful rumors.” Giit niya, hindi basehan ang isang anonymous post para hatulan sila: “It’s kind of crazy how one post from an anonymous account was all the evidence some people needed to condemn us to a witch hunt.”


Binigyang-diin ni Magnaye na ang kanyang nobyo ay nagsimula sa kolehiyo sa bisa ng athletic scholarship, pumasa sa civil engineering board exam sa unang pagtatangka, at nakakuha pa ng master’s degree. “Whatever he has, he worked really, really hard for,” aniya.


Dagdag pa niya, “For the record, yes, Mat works at DPWH. But remember that not everyone who works at a government agency is corrupt. Don’t discount that there are good people there who truly want to serve the public.”


Ayon kay Magnaye, nauunawaan nila ang galit ng publiko laban sa katiwalian ngunit umaapela siya na huwag idamay ang mga empleyadong walang kinalaman sa isyu. “It’s so unfortunate that Mat and I, along with so many other people who are not involved in whatever’s going on, are getting caught in the crossfire.”