Josh Cullen ng SB19, pinatulan ang bashers matapos murahin ang tiwaling opisyal
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-22 22:35:41
MANILA, Philippines — Hindi na napigilan ni Josh Cullen ng SB19 ang maglabas ng galit laban sa korapsyon matapos umani ng atensyon ang kanyang video kung saan minura niya ang mga opisyal na umano’y nakikinabang sa bilyun-bilyong pisong flood control projects ng gobyerno.
Noong gabi ng Setyembre 20, nag-upload si Josh ng video kasama si Pablo Nase habang kumakanta ng “Kapangyarihan”—awitin ng Ben&Ben at SB19 na isinulat nina Paolo at Miguel Guico at ni Pablo mismo. Sa halip na sundin ang orihinal na linya, binago ni Josh ito at nagpatutsada ng mura bilang mensahe sa mga tiwaling opisyal.
Kalakip ng video ang kanyang post: “Ninanakawan niyo kami tapos gusto magpigil at maging mabait pa rin?”
Agad itong nag-viral na may higit 4.5 milyong views at 10,000 comments.
Habang marami ang sumuporta, may ilan ding pumuna sa paggamit ni Josh ng mura.
“Sa mga nagko-comment na ‘Lasing’? ‘Sabog’? Baka kayo ‘yon. Tulog ba kayo nitong mga nakaraang linggo? Kung wala kang context, huwag na makisali.”
Sa X (dating Twitter), hinarap din niya ang isang netizen na nagsabing hindi sapat ang pagmumura para masabing makatotohanan ang kanyang paninindigan. Sagot ni Josh:
“Apologies if my millions in taxes and one curse word ruined your day. I’ll try to be happier while being robbed.”
Dagdag pa niya, isa ring kapwa SB19 member ang nag-udyok sa kanya: “He didn’t completely make me post this pala ha. He just said if I had the balls I’d post it online. Well… guess who does.”
Kasabay nito, may netizens ding nagtanong kay Justin de Dios kung bakit hindi siya nagsasalita sa usapin ng korapsyon. Diretsahan itong sinagot ni Justin at ipinaliwanag na mas pinili niyang maglatag ng plano para sa buong grupo.
“Hi! Yung post ni Ofifi (Josh) is actually my initiative. I also have another initiative that we will do on the 24th. Sorry if I disappointed you by not posting on my personal account, I need to think more effective ways since our influence as a group is much stronger than me alone,” paliwanag niya.
Maraming fans ang nakaunawa sa kanyang posisyon at nagpahayag ng suporta.
Samantala, si Stell Ajero na nasa Japan para sa concert ng grupo ay nagpakita rin ng pakikiisa sa Trillion Peso March na ginanap noong Setyembre 22 mula Luneta hanggang EDSA.
“Mag-ingat po ang lahat ngayong araw. Wala man ako ngayon sa protesta, nasainyo ang aking buong suporta!” aniya.
Noon pang gabi ng Setyembre 20, ipinakita ng SB19 sa kanilang opisyal na X account ang suporta sa protesta sa pamamagitan ng pagkanta ng chorus ng “Kapangyarihan” na may caption: “Ang tao, ang bayan, ang tunay na kapangyarihan.”