Alexa Miro, inamin ang relasyon kay Sandro Marcos at isyu ng third party
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-27 15:32:14
Setyembre 27, 2025 – Sa isang panayam, diretsahang inamin ng aktres at social media personality na si Alexa Miro na siya ay nagkaroon ng limang taong relasyon kay Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Marcos.
Matagal nang usap-usapan ang diumano’y ugnayan ng dalawa, ngunit ngayon lamang ito tuluyang kinumpirma ni Miro. Ayon sa kanya, pinili nilang manatiling pribado ang kanilang relasyon dahil sa mataas na posisyon ni Marcos sa lipunan at upang makaiwas sa mas matinding intriga at kontrobersiya.
“Pangarap ko rin noon na ipagmalaki ng boyfriend ang relasyon namin,” pahayag ni Miro. “Pero nang ipinaliwanag naman sa akin, naunawaan ko ang dahilan kung bakit kailangan itong itago.”
Gayunman, inamin ng aktres na hindi naging madali ang kanilang pinagsamahan at nauwi ito sa hiwalayan. Isa umano sa pinakamabigat na dahilan ng kanilang paghihiwalay ay ang pagpasok ng ikatlong partido. Pinangalanan ni Miro ang aktres na si Franki Russell, na umano’y kanyang hinarap sa isang club. Ngunit imbes na maayos na paliwanag, sinabi ni Miro na pangungutya at malamig na tugon ang kanyang nakuha.
“Mas pinili kong i-block siya para hindi ko na maikumpara ang sarili ko sa ibang babae,” ani Miro. Dagdag pa niya, ang bigat ng karanasan ang nagtulak sa kanya upang tuluyang magsalita at ibuhos ang damdamin sa pamamagitan ng TikTok Live, kung saan niya unang inamin ang tunay na sitwasyon.
Sa kabila ng lahat, idineklara ni Miro na nananatili ang pagmamahal niya kay Sandro Marcos. Aniya, hindi mabubura ang limang taong pinagsamahan nila kahit pa nauwi ito sa masakit na pagtatapos. “I will always have love for him. That will never change,” wika niya.
Kasabay nito, sinabi rin ng aktres na ngayon ay single na siya at patuloy na inaayos ang sarili matapos ang pinagdaanang emosyonal na dagok. Iginiit niyang karapatan niyang magsalita upang ipagtanggol ang sarili, lalo na matapos ang ilang pagkakataong itinanggi umano ng dating kasintahan ang kanilang relasyon sa publiko.
Samantala, nananatiling tahimik si Rep. Sandro Marcos sa isyung ito at wala pang inilalabas na opisyal na pahayag hinggil sa mga naging pahayag ni Alexa Miro.