Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sumiklab ang Saya! Majayjay, nagniningning sa ANILINANG Festival

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-29 11:03:53 Sumiklab ang Saya! Majayjay, nagniningning sa ANILINANG Festival

Majayjay, Laguna — Umindak sa saya at nagniningning sa makukulay na aktibidad ang bayan ng Majayjay sa isinagawang halos isang linggong ANILINANG Festival 2025, tampok ang agrikultura, tradisyon, at kasayahan ng mga Majayjayeno.

Pormal na binuksan ang pagdiriwang na ika 454 taong anibersaryo ng bayan ng Majayjay sa pamamagitan ng ribbon cutting na pinangunahan ni Mayor Romeo Amorado at Vice Mayor Ariel Juan Argañosa, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaang lokal. Sinundan ito ng masiglang fan run na nilahukan ng mga opisyal mula sa 40 barangay at mga kawani ng munisipyo.

Kilala ang Majayjay sa mayamang ani ng gulay, kaya’t itinampok din ang festival sa programang “Unang Hirit” ng GMA Network, kung saan ipinakita ang iba’t ibang produktong ani mula sa bayan. Bukod dito, nagkaroon din ng mga natatanging paligsahan gaya ng cooking contest, rampa ng kabayo at henite na umani ng papuri at tuwa dahil sa makukulay na kasuotan ng mga kabayo na umikot sa buong bayan.

Hindi rin nagpahuli ang sektor ng kabataan at LGBTQ+. Tampok ang talent competition para sa LGBTQ+ community, gayundin ang mga nakakaaliw na timpalak gaya ng Ginoong Kilabot at Binibining Kembot, na nagbigay aliw at sigla sa mga manonood. Isa ring highlight ang Cultural Show na nagbigay-pugay sa yaman ng sining at tradisyon ng bayan.

Kabilang din sa mga inaabangan ang coronation night para sa Ginang ng Majayjay 2025, pati na rin ang pagbibigay-parangal sa mga kabataan sa pamamagitan ng Binibini at Ginoo ng Majayjay. Sa gabi naman, naging sentro ng pagsasama at kasayahan ang mga temang aktibidad gaya ng Barangay Night at DepEd Night.

Higit sa lahat, pinakainabangan ng lahat ang Street Dancing Competition na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan. Sa kanilang makukulay na kasuotan at masiglang sayaw, nag-uumapaw ang kalsada ng Majayjay sa enerhiya, musika, at kulturang tunay na ipinagmamalaki ng bayan.

Sa kabuuan, ang ANILINANG Festival ay hindi lamang nagbigay ng aliw kundi nagpatunay din sa pagkakaisa at likas na kasiglahan ng mga mamamayan ng Majayjay—isang makulay na pagdiriwang na nagningning mula umpisa hanggang wakas.

larawan/majayjaypio