Batang lalaki sa sikat na kantang ‘baby shark’, muling nag-viral matapos ang 10 taon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-29 01:06:19
SETYEMBRE 29 — Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang sumikat ang kantang Baby Shark, ngunit hanggang ngayon ay nananatili itong bahagi ng global pop culture. Kamakailan, muling umani ng atensyon online ang batang bida sa viral music video na si Park Geon Roung, matapos lumabas sa isang TikTok video kung saan ginawa niya ang I’m Just a Kid challenge.
Sa naturang clip, suot ni Geon Roung ang blue long-sleeved shirt at light denim jeans, kapareho ng kanyang kasuotan noong una siyang nakilala. Makikitang inaayos niya ang kanyang buhok at balikat bago iangat ang braso para sa “shark pose.” Matapos nito, nag-transition ang video sa kanyang litrato noong 2016 sa Baby Shark Dance video ng Pinkfong.
Unang inilabas ng Pinkfong ang nasabing kanta noong Nobyembre 2016, at sa sumunod na bersyon ay lumabas sina Geon Roung at child actress na si Elaine Kim Johnston mula New Zealand. Agad itong naging global hit at ngayo’y hawak ang record bilang pinakapinapanood na video sa YouTube na may higit 14 bilyong views—mas marami pa kaysa sa kahit anong music video ng mga kilalang artista.
Noong Hulyo 2025, ipinagdiwang ni Geon Roung ang ika-10 anibersaryo ng kanta sa pamamagitan ng isang throwback post sa Instagram, at nitong Setyembre ay nagkaroon pa siya ng reunion kasama ang Baby Shark mascot sa isang nakakaaliw na “date.”
Samantala, hindi rin nakaligtas sa kontrobersya ang Baby Shark. Noong 2019, sinampahan ng kaso ang Pinkfong ng New York composer na si Johnny Only dahil umano’y kinopya ang kanyang 2011 release. Humingi siya ng ₩30 milyon bilang danyos, ngunit kalaunan ay ibinasura ng korte noong 2021. Nitong Agosto 2025, kinumpirma ng South Korea Supreme Court na walang sapat na ebidensya ng copyright infringement.
Sa kabila ng lahat, patuloy na ginagamit ang Baby Shark sa iba’t ibang events, sports arenas, at naging inspirasyon pa ng mga produkto, concert tours, at TV show na Baby Shark’s Big Show. Mula noon hanggang ngayon, nananatili itong bahagi ng kasaysayan ng internet. (Larawan: CNA Lifestyle / Google)