Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Hindi ko ibubugaw ang anak ko!' — Ina ni Jillian Ward, sasampahan ng cyberlibel ang mga naninira

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-22 21:42:01 'Hindi ko ibubugaw ang anak ko!' — Ina ni Jillian Ward, sasampahan ng cyberlibel ang mga naninira

Oktubre 22, 2025 – Mainit ngayon sa showbiz world ang pangalan ni Jillian Ward matapos silang mag-ina na sina Jennifer Ward magsalita laban sa mga kumakalat na mapanirang balita tungkol sa kanila. Sa isang panayam sa Cabinet Files, diretsahan nang sinabi ni Jennifer na handa na silang magsampa ng kaso ng cyberlibel laban sa mga nagkakalat ng pekeng isyung ibinubugaw daw niya ang kanyang anak sa mga mayayamang lalaki.

Ayon kay Jennifer, grabe na raw ang mga paninira at hindi na niya kayang manahimik pa.

 “Grabe yung mga basher, hindi sila titigil. They won’t stop. Gusto ko talagang mag-file ng case, cyberlibel,” mariin niyang pahayag.

Hindi napigilan ng ina ni Jillian ang maiyak habang ikinukwento kung gaano naapektuhan ang anak sa mga maling isyung ibinabato laban sa kanila. Ayon sa kanya, dumating pa sa puntong gustong talikuran ni Jillian ang showbiz dahil sa bigat ng dinadala.

 “Sinabi niya sa akin, ano pa ang point ng hard work niya kung palagi lang siyang mabibiktima ng fake news. Kawawa, balisang-balisa siya. Buti ngayon kahit papaano, ngumingiti na ulit siya,” emosyonal na saad ni Jennifer.

Mariin din niyang itinanggi ang kumakalat na chismis na may koneksyon umano si Jillian sa dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson. Nilinaw niyang hindi nila kilala at hindi pa nila nakikita nang personal si Chavit.

Sa panig naman ni Jillian, klaro rin ang sagot ng aktres sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong Oktubre 21:

“Never ko po siya nakilala. Never na-meet. Never nakausap. Never po kami nagkita. Hindi ko po talaga alam kung paano nila nagawa ang lahat ng ito kasi never ko po talaga siya na-meet. Hindi ko nga po alam kung kilala niya ako.”

Matatandaang una nang tinanong si Chavit tungkol sa isyu, at simpleng sagot lang niya:

 “Marites lang ‘yon.”

Hindi pa binanggit ni Jennifer ang mga pangalan ng mga taong planong kasuhan, ngunit aniya, may ideya na siya kung sino-sino ang nasa likod ng paninira. May mga screenshot na rin daw silang ipapasa bilang ebidensya.

Muli ring ipinaalala ni Jennifer na bata pa lang si Jillian ay nagtatrabaho na ito sa showbiz, nagsimula bilang commercial model at sumikat sa teleseryeng Trudis Liit. Ngayon ay isa na siya sa mga pinakamasipag at pinaka-successful na Kapuso stars.

Dagdag pa ng ina, lahat daw ng kinita ng anak ay kanilang inipon at pinaglaanan nang maayos. Kaya naman, malaking insulto para sa kanila ang mga isyung idinidikit kay Jillian, gaya ng umano’y “sponsor” na nagregalo ng Porsche — na ayon sa kanila, second-hand car lang na binili ni Jillian mula sa sariling ipon.

Sa gitna ng lahat ng intriga, malinaw ang mensahe ng mag-ina: hindi na sila mananahimik.

“Dyusko, hinding-hindi ko puwedeng gawin ‘yon sa anak ko! May takot ako sa Diyos,” giit ni Jennifer.

Larawan mula sa Candymag.com