Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kathryn Bernardo, bibigyan ng wax figure sa Madame Tussauds Hong Kong

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-22 22:15:24 Kathryn Bernardo, bibigyan ng wax figure sa Madame Tussauds Hong Kong

Oktubre 22, 2025 – Confirmed na! Si Kathryn Bernardo ang newest Filipino celebrity na magkakaroon ng sariling wax figure sa Madame Tussauds Hong Kong — na nakatakdang ilunsad sa 2026. 

Sa Instagram post ng Madame Tussauds HK nitong Miyerkules, Oktubre 22, ibinahagi nila ang official announcement kasabay ng mga behind-the-scenes photos ng 29-year-old actress habang sinusukatan para sa kanyang wax statue.

“The countdown is over — Madame Tussauds Hong Kong is welcoming Kathryn Bernardo!” ayon sa caption ng post. Dagdag pa nila, “Known as the 'Phenomenal Box-Office Queen,’ she starred in the FIRST Filipino film to hit ₱1B globally. Her wax figure drops in 2026.”

Sa teaser video na unang inilabas noong Oktubre 20, marami na ang nakahula na si Kathryn ang tinutukoy na “Filipino superstar who started acting at the age of 7 and starred in the first Philippine film to hit 1 billion pesos worldwide.”

Tama nga sila — si Kathryn nga ang tinutukoy!

Si Kathryn ang ika-limang Pilipino na magkakaroon ng wax figure sa Madame Tussauds Hong Kong. Nauna na rito sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach (2019), boxing champ Manny Pacquiao (2021), Miss Universe 2018 Catriona Gray (2023), at actress-host Anne Curtis (2024).

Bukod sa kanila, makakatabi rin ni Kathryn ang ilan sa pinakamalalaking international icons tulad nina Taylor Swift, Donald Trump, Marilyn Monroe, Queen Elizabeth II, Michael Jackson, Elon Musk, Jackie Chan, at Hyun Bin.

Malapit sa puso ni Kathryn ang Hong Kong dahil dito kinunan ang blockbuster movie nila ni Alden Richards, ang Hello, Love, Goodbye noong 2019 — ang pelikulang nagtala ng record bilang first Filipino film to reach ₱1 billion worldwide.

Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit napili siya ng Madame Tussauds bilang bagong dagdag sa kanilang line-up ng world-renowned personalities.

Sa ngayon, may 21 branches na ang Madame Tussauds sa buong mundo, at ang inclusion ni Kathryn ay patunay ng patuloy na pag-angat ng mga Filipino stars sa global entertainment scene.

Isang malaking karangalan ito hindi lang para kay Kathryn kundi para sa buong bansa — dahil once again, Pinay pride ang wagi sa international spotlight!

Larawan mula sa Madame Tussauds Instagram