Sunshine Cruz, pinag-iisipan nang kasuhan ang mga tagapakalat ng fake news tungkol sa kanya at sa mga anak
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-22 23:31:20
Oktubre 22, 2025 – Mukhang sawa na si Sunshine Cruz sa paulit-ulit na mga pekeng balita na ibinabato sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa isang Facebook post noong Oktubre 21, 2025, ibinahagi ng aktres ang ilang screenshots ng mga fake headlines mula sa isang website na nagsasabing buntis umano ang isa sa kanyang mga anak—at si Atong Ang pa raw ang ama!
Mariing itinanggi ito ni Sunshine at sinabing wala ni katiting na katotohanan sa mga kumakalat na balita. Ayon sa kanya, “My children and I have been subjected to years of ridiculous rumors.” Dagdag pa ng aktres, ilang ulit na rin silang ginawan ng kwento — buntis, pinatay, bugbog, inaresto, at kung anu-ano pa. “No to #fakenews!” aniya.
Ipinahayag din ni Sunshine na kumilos na ang kanyang abogado, si Atty. Bonito Alentajan, upang alamin kung anong legal na hakbang ang puwedeng gawin laban sa mga fake news peddlers na gumagamit umano ng pseudonyms online. “It isn't easy kasi pseudonyms ang gamit nila. For now, I am posting these fake news for awareness,” paliwanag niya.
Hindi rin napigilan ni Sunshine na sagutin ang ilang netizens na nagkomento sa kanyang post. Sa mga nagbigay ng suporta, nag-reply siya ng heart at praying emojis. Pero nang may nagsabing, “That’s the price of being popular and beautiful,” mahinahon pa rin siyang nag-react.
May netizen namang nag-udyok sa kanya na magsampa na ng kaso laban sa mga gumagawa ng intriga, na agad sinagot ni Sunshine:
“Huwag mo lahatin ang mga tao at artista. FYI, my lawyer Atty. Bonito Alentajan has been looking into these sites.”
Kamakailan lang ay binasag din ni Sunshine ang isyung hiwalay na raw sila ni Atong Ang—isang tsismis na agad niyang itinanggi.
Showbiz takeaway: Hindi na talaga biro ang epekto ng fake news — kahit sa mga kilalang personalidad. Kaya saludo kay Sunshine sa kanyang tapang na ipagtanggol hindi lang ang sarili, kundi pati ang kanyang mga anak.