Diskurso PH
Translate the website into your language:

Emil Sumangil, walang takot kahit may death threats sa kanyang paghahanap ng katotohanan sa missing sabungero

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-22 23:11:29 Emil Sumangil, walang takot kahit may death threats sa kanyang paghahanap ng katotohanan sa missing sabungero

Oktubre 22, 2025 – Hindi alintana ni Kapuso broadcaster Emil Sumangil ang mga banta sa kanyang buhay habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang exposé tungkol sa misteryosong pagkawala ng ilang sabungero. Sa isang eksklusibong panayam sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Miyerkules, Oktubre 22, 2025, ibinahagi ni Sumangil ang nakakabahalang detalye ng mga pananakot na natatanggap niya mula nang ilahad niya sa publiko ang kuwento.

“Foul talaga,” sambit niya. “Yung message, e, talagang kung mahina-hina ang naturalesa mo, hindi ka makakakain ng almusal. May message, may tawag, merong pasabi na gagamitin pa yung kaibigan mo.” Kwento niya, may mga mensahe at banta na mula sa mga taong hindi niya inaasahan. “Ang pinakahuli na naalaala ko, ‘Saan ko ipapadala yung bulaklak mo?’ Sabi ko, ‘Anong bulaklak?’ Lalaruin ko, ‘Bulaklak ng patay dahil malapit na ang burol mo.’”

Sa kabila ng takot para sa kaligtasan ng pamilya, nananatiling matatag si Emil. “Merong takot, pero hindi nila ako kayang pigilan dito sa ginagawa ko. Ididiretso ko ito, kung ano yung sinimulan ko. Gusto kong magkaroon ng closure.” Ibinahagi niya na ayos naman ang kanyang mga anak, habang medyo kinakabahan ang kanyang misis dahil hindi ito media practitioner. Nagpasalamat din siya sa GMA Network sa pagbibigay ng seguridad para sa kanilang pamilya.

Apat na taon na ang nakalipas mula nang simulan ni Emil ang pagsisiyasat sa mga nawawalang sabungero, at hindi naging madali ang proseso. “Walang gustong magpainterbyu. Yung mga pamilya, natatakot at nangangamba para sa kanilang buhay. Yung mga awtoridad, hindi rin agad nagbibigay ng impormasyon. Pero after four years, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang whistleblower na nakatulong sa pag-usad ng kaso.”

Ayon kay Emil, malapit na itong magkaroon ng malinaw na resolusyon mula sa Department of Justice, inaasahang ilalabas sa loob ng animnapung araw mula kahapon. Tinuturing niyang malaking accomplishment ang naging progreso ng kaso bilang hakbang tungo sa pananagutan ng mga dapat kasuhan.

Sa kabila ng banta at pananakot, ipinapakita ni Emil Sumangil na ang tapang at integridad sa pamamahayag ay kayang magsilbing liwanag sa gitna ng panganib.