Diskurso PH

DOH, Ikokonsidera ang 'National Public Health Emergency' Dahil sa Pagtaas ng Kaso ng HIV sa Pilipinas


Bryan Hafalla • Ipinost noong 2025-06-03 19:11:17
DOH, Ikokonsidera ang 'National Public Health Emergency' Dahil sa Pagtaas ng Kaso ng HIV sa Pilipinas

MANILA, Pilipinas (JUNE 03, 2025) – Ikinokonsidera na ng Department of Health (DOH) ang pagdedeklara ng isang “National Public Health Emergency” sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Pilipinas, na itinuturing ngayong na malaking banta sa kalusugan ng publiko.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nakababahala ang datos na mayroon nang average na 56 na bagong kaso ng HIV na naitatala araw-araw sa bansa. Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso ng HIV sa Western Pacific Region.

Mula Enero hanggang Marso ngayong taon, umabot sa 5,101 ang kabuuang bilang ng mga bagong kaso ng HIV na naitala. Ayon kay Herbosa, kumpara ito sa humigit-kumulang 1,000 kaso na naitatala noong nakaraang taon sa parehong panahon, na nangangahulugang mayroong 500 porsyentong pagtaas.

Ang pinakabatang naitalang kaso ng HIV, ayon sa kalihim, ay isang 12-anyos na babae mula sa Palawan. Nagbabala si Herbosa na kung hindi mapipigilan ang pagtaas na ito, posibleng umabot sa 400,000 ang bilang ng mga Pilipinong may HIV sa bansa.

Nilinaw ng kalihim na ang pagdedeklara ng "National Public Health Emergency" ay hindi nangangahulugan ng lockdown. Sa halip, layunin nitong "pataasin ang antas ng atensyon at pabilisin ang aksyon ng buong lipunan at buong gobyerno" upang matugunan ang lumalalang sitwasyon ng HIV. Magpapahintulot din ito sa mas mabilis na pagpapalabas ng pondo para sa mga programa laban sa HIV.

Pangunahing paraan ng pagkalat ng HIV sa Pilipinas ang sexual contact, partikular sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki (men having sex with men o MSM), isang trend na nagsimula pa noong 2007.

Hinihimok ng DOH ang publiko na gumamit ng condom, lubricant, at kumuha ng Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) upang maiwasan ang impeksyon. Libreng HIV testing at antiretroviral therapy (ART) ay patuloy na iniaalok ng gobyerno at sakop ng PhilHealth ang ART.