Diskurso PH
Translate the website into your language:

Korona, binawi! Miss Finland napatalsik sa trono dahil sa ‘racist gesture’

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-14 21:23:45 Korona, binawi! Miss Finland napatalsik sa trono dahil sa ‘racist gesture’

Disyembre 14, 2025 – Hindi pa rin humuhupa ang mga kontrobersiyang bumabalot sa ilang kandidata ng 74th Miss Universe, matapos bawiin ng Miss Finland Organization ang korona ni Sarah Dzafce, ang reigning Miss Finland 2025, dahil sa isang umano’y racist gesture na ibinahagi nito sa social media.

Si Dzafce ay nagwagi bilang Miss Finland noong Setyembre 6, 2025 at naging opisyal na kinatawan ng Finland sa 74th Miss Universe na ginanap noong Nobyembre 21 sa Nonthaburi, Thailand. Gayunman, tatlong buwan lamang ang itinagal ng kanyang reign matapos sumiklab ang kontrobersiya.

Inakusahan ng netizens si Dzafce ng pagiging racist matapos kumalat ang isang larawan sa kanyang social media kung saan tila ginagaya niya ang “singkit na mata,” isang kilos na itinuring ng marami bilang nakakasakit, partikular sa Asian community.

Dahil dito, naglabas ng opisyal na pahayag ang Miss Finland Organization noong Disyembre 11, kung saan mariin nilang kinondena ang nasabing aksyon at ipinaliwanag ang desisyong bawiin ang korona ni Dzafce.

Ayon sa organisasyon, ang titulong Miss Finland ay kumakatawan sa mahahalagang pagpapahalagang Finnish tulad ng respeto, pagkakapantay-pantay, pananagutan, at dignidad ng tao. Dagdag pa nila, ang mga ipinost ni Dzafce ay “nakakasakit, mapanganib, at salungat sa mga pinahahalagahan ng kompetisyon.”

Nilinaw rin ng organisasyon na maingat nilang hinawakan ang sitwasyon, kumonsulta sa mga eksperto, at personal na kinausap si Dzafce matapos itong bumalik sa Finland bago tuluyang magdesisyon.

“Ang pagbawi ng korona ay hindi usapin ng halaga ng isang tao, kundi ng pananagutan,” pahayag ng Miss Finland Organization. “Kapag ikaw ay may hawak na pambansa at internasyonal na tungkulin, hindi maaaring ihiwalay ang kilos sa responsibilidad.”

Kasabay ng dethronement ni Dzafce, opisyal nang itinalaga bilang bagong Miss Finland 2025 ang kanyang first runner-up na si Tarah Lehtonen, 23 taong gulang. Nalaman ni Lehtonen ang balita matapos siyang tawagan noong Disyembre 10 ng Miss Finland Organization director na si Sunneva Sjögrén.

Bagama’t aminadong nabigla, tinanggap ni Lehtonen ang alok at nangakong dadalhin ang titulo nang may dangal at respeto. Noong Disyembre 11, nagharap sina Dzafce at Lehtonen bago ang press conference at nagyakapan bilang tanda ng maayos na pagtatapos ng isyu sa pagitan nila.

Sa kanyang social media post, sinabi ni Lehtonen:

“Tinanggap ko ang titulong Miss Finland 2025 na may buong puso at pananagutan. Hindi man tradisyonal ang simula ng aking journey, sisikapin kong gampanan ang aking tungkulin nang may dignidad at respeto.”

Samantala, humingi rin ng paumanhin si Dzafce sa publiko. Ayon sa kanya, nauunawaan niya ang sakit na dulot ng kanyang naging aksyon at nangakong patuloy na matututo at lalago bilang isang indibidwal.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung sasali pa si Lehtonen sa anumang international beauty pageant, lalo’t nakapag-representa na si Dzafce ng Finland sa Miss Universe bago tuluyang bawiin ang kanyang korona.