WR Numero Research: 43% ng mga Pilipino tutol sa ayuda tuwing kampanya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-06 16:52:24.jpg)
Manila, Philippines – Hati ang opinyon ng mga Pilipino sa pamamahagi ng "ayuda" (financial aid) tuwing campaign season, ayon sa isang survey ng WR Numero Research.
Ayon sa resulta, 43% ng mga sumagot ang nagsabing hindi ito katanggap-tanggap, habang 38% ang nagsabing ito ay katanggap-tanggap, at 19.9% ang hindi tiyak sa kanilang sagot.
"Magkalapit, given yung margin of error natin, slightly ahead lang yung nagsabi na hindi katanggap-tanggap but the nation is divided on the acceptability of ayuda distribution during campaign season," pahayag ni Cleve Arguelles, president at CEO ng WR Numero Research.
Ipinakita rin ng survey ang pagkakaiba ng pananaw batay sa antas ng kita ng mga sumagot.
- Sa Class ABC, 58.8% ang tutol sa pamamahagi ng ayuda tuwing kampanya, habang 32.3% ang sumusuporta dito.
- Sa Class E, 39.8% ang nagsabing katanggap-tanggap ito, habang 37.7% ang tumutol, at 22.5% ang hindi sigurado.
"What is striking here is yung mga kababayan natin sa Class E ay doon may pinakakakaunti na hindi ito katanggap-tanggap at doon din natin makikita ang mga Filipino na nagsasabi na ito ay katanggap-tanggap," dagdag ni Arguelles.
Bilang tugon sa isyu, nagpatupad ang Commission on Elections (Comelec) ng resolusyong nagbabawal sa pamamahagi ng ayuda ilang araw bago ang midterm elections. Narito ang opinyon ng mga lumahok dito:
- 48% ng respondents ang sumang-ayon sa desisyon ng Comelec.
- 36% ang hindi sumang-ayon.
- 16% ang hindi tiyak sa kanilang sagot.
Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Garcia na kailangang tiyakin na hindi magiging political tool ang ayuda.
"No candidates or politicians must be present during the distribution of ayuda in whatever nature or form," aniya.
Suportado rin ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD-7 Director Shalaine Marie Lucero, mahigpit nilang ipinatutupad na walang pulitiko ang dapat naroroon sa payout venues upang maiwasan ang anumang politikal na impluwensya.
"Because of the upcoming election, ma feel na gyud na nato nga naay mga ingon ana (politicized dole out), so ang gibuhat sa DSWD is, number one, walay pulitiko, walay nilansar nga pulitiko nga makasud sa atong payouts. So, if we see them in the venue, we will not do the payout," ani Lucero.
Gayunpaman, humiling ang DSWD ng exemption para sa 28 proyekto nito mula sa Comelec ban, kabilang ang:
- Sustainable Livelihood Program
- Social Pension for Indigent Senior Citizens
- Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program
Layunin nitong tiyakin na hindi maaantala ang tulong para sa mga nangangailangang Pilipino sa kabila ng election ban.
Photo Courtesy of City of Mandaluyong