Rep. Castro, tinawag na ‘lakwatserang VP’ si Sara Duterte
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 23:54:42
MANILA — Mariing kinondena ni dating ACT Teachers party-list Representative France Castro si Vice President Sara Duterte matapos itong hindi dumalo sa budget briefing ng Office of the Vice President (OVP) sa Kongreso. Sa halip na personal na humarap, isang assistant secretary lamang ang ipinadala ni Duterte bilang kinatawan.
Ayon kay Castro, tungkulin ng bise presidente na direktang ipaliwanag at depensahan ang pondo ng kanyang tanggapan, lalo na’t nakabinbin pa rin ang mga isyu hinggil sa travel expenses at paggamit ng confidential funds. Aniya, hindi sapat na may ipadalang kinatawan dahil tanging si Duterte lamang ang makakasagot nang malinaw sa mga tanong ng mga mambabatas.
Tinawag pa ni Castro na “lakwatserang VP” si Duterte dahil sa umano’y pagiging abala nito sa biyahe kaysa sa pagharap sa mga usaping mahalaga sa taumbayan. Hinamon din niya ang Kongreso na i-waive ang parliamentary courtesy, isang patakaran na karaniwang nagbibigay ng konsiderasyon sa mga mataas na opisyal ng gobyerno, upang mapilitan ang Bise Presidente na personal na sumagot sa mga kritisismo at alegasyon.
Dagdag pa ng dating kongresista, nararapat lamang na maging transparent at accountable ang OVP sa paggastos ng pondo ng bayan. Aniya, hindi dapat iwasan ng sinumang opisyal ang mga tanong na may kinalaman sa pera ng taumbayan, lalo na kung ito ay may kinalaman sa kontrobersyal na confidential at travel funds.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Duterte hinggil sa panawagan ni Castro at sa mga alegasyon ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng OVP. (Larawan: France Castro / Fb)